Abante Tonite Interactive

Walang inisyatibong walisin ang mga bata sa kalye

12

Nagkalat na naman ang mga bata sa mga pangunahing kalsada na namamalimos ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.

Naging kalakaran na ng mga bata ang pamamalimos sa mga motorista tuwing nalalapit ang Kapaskuhan.

Basta’t paparating na ang Kapaskuhan ay naglipana na ang mga bata sa kalsada na animo’y nakikipagpatintero sa mga ­sasakyan para lamang makapanlimos.

Kumakatok ang mga bata sa mga sasakyang bumabaybay sa mga kalsada ang puntirya ng mga bata kapalit ng kahit magkanong halagang ibibigay ng mga motorista.

Labis na nakakabahala ang kanilang sitwasyon dahil hindi ­malayong masagasaan ang mga ito ng mga motorista.

Pero sa kabila ng nakaambang panganib sa mga paslit ay tila walang pakialam ang kanilang mga magulang dahil hinahayaan silang maglaboy sa kalsada para mamalimos o mamasko.

Ang nakakalungkot wala na ngang pakialam ang mga magulang ng mga batang namamalimos sa kalsada ay tila wala ring ­pakialam ang mga awtoridad na nakakakita sa nakakabahalang sitwasyon ng mga paslit sa kalsada.

Maging ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay tila wala ring magawa sa mga pakalat-kalat na mga bata dahil ang kaya lamang nilang gawin ay paalalahanan ang publiko na huwag magbigay sa mga namamalimos na mga bata.

Abiso ng DSWD, maraming tamang paraan upang magbigay­ ng tulong sa mga nangangailangan kaya mas mabuting huwag magbigay sa mga namamalimos.

Tama ang abiso ng DSWD pero sana hindi lamang pagpapaalala sa publiko ang kanilang gawin.

Kailangang magkaroon na ng mabigat na posisyon ang DSWD laban sa mga batang namamalimos sa kalsada.

Alam nating mahirap itong gawin dahil sa napakalimitadong budget ng DSWD pero obligasyon nitong pangalagaan ang kapa­kanan ng mga batang nasa kalsada.

Ang sa amin pinipilit nga ng gobyernong Duterte na walisin­ ang mga sangkot sa iligal na droga upang maisalba ang mga ­susunod pang henerasyon aba’y mas dapat kaya ng DSWD na isalba ang mga batang pakalat-kalat sa kalsada na nalalagay sa panganib ang buhay dahil sa pamamalimos.

Ang dapat gawin ng DSWD kalakip ng kanilang paalalang ­huwag magbigay ng limos sa mga bata ay sinupin nila ang mga bata sa kalsada upang walang mga kaawa-awang mga paslit ang nakikita sa kalye na namamalimos.

Napakalambot kasi ng puso ng mga Pinoy lalo na kung nakakakita ng abang kalagayan ng mga paslit.

Ang sa amin kung walang mga pakalat-kalat na mga bata ay walang nakakaawang senaryo para lumambot ang puso ng mga motorista at magbigay ng limos.