Abante Tonite Interactive

Walang kontrata sa biniling lupa

244

Dear Atty. Claire,

May itatanong lang po ako. May hinuhulugan kasi akong lupa at pina-survey na ‘yun ng may-ari. Ang halaga ng lupa ay P150,000.

Ang nahuhulog ko na po ay P50,000 pero wala po kaming kasulatan. Sa tuwing nagbibigay ako ng bayad may acknowledgement receipt akong pinapipirmahan sa tumatanggap.

Ano po ang dapat na kontrata para rito na panghahawakan ko? Ano po ang dapat kong gawin?

Sana po ay matulu­ngan niyo po ako.
Arlene

Dear Ms. Arlene,

Medyo nakababahala ang sobra mong pagtitiwala dahil baka mauwi sa wala ang iyong mga pinaghihirapan.

Ang una mong gawin ay alamin kung ang kausap mo na nagbenta sa iyo ng lupa ay tunay na may-ari nito.

Hanapin sa may-ari ang original na titulo ng lupa upang malaman kung tunay o peke ba ito. Magpasama ka sa may-ari o representative nila sa Registry of Deeds at ­ipakumpara ang hawak nilang ­titulo.

Humingi ng certified true copy ng titulo upang malaman mo kung may problema ba ito o wala, tulad halimbawa kung ito ay nakasanla o kaya ay may ibang humahabol.

Kung walang titulo ang lupa at rights lamang na maka-okupa ang ibebenta sa iyo ay mahirap na ituloy mo pa ang transaksyon dahil hindi ka makakapagpatitulo ng lupa. Kaya’t alamin muna ang tunay na sitwasyon ng lupa.

Kung halimbawa naman ay may titulo ng lupa naman ang may-ari at ligal ang mga papel na hawak nila ay magpagawa ka na ng contract to sell na pirmado ng may-ari ng lupa dahil ito ay patunay na ikaw ang bibili at hindi na dapat na ibenta pa ito sa iba hangga’t may bisa ang inyong kontrata. Huwag pumayag na pumipirma lamang ang tumatanggap ng pera dahil hindi ito sapat na mapatunayan ang planong bilihan maliban lamang kung malinaw sa pinipirmahan na ito ay bayad para sa lupa kung saan pwedeng gamiting ebidensya kung magkakaroon man kayo ng kasuhan.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410-7624 o 8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.