Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Walang kupas si Da King

0 249

NITONG Huwebes, August 20 ang ika -81 kaarawan ni Da King Fernando Poe Jr., ang alamat ng pelikulang Pilipino.

Pero dahil mayroong COVID pandemic, aasahang mayroong mga pagbabago sa paraan nang pagdiriwang sa kanyang kaarawan lalo na sa pagbisita sa kanyang puntod sa Manila North Cemetery dahil sa mga ipinaiiral na panuntunan ng community quarantine sa Metro Manila.

Taon-taon ay nagsama -sama ang mga fans at nagmamahal kay Da King sa kanyang puntod at sinasariwa ang magagandang alaalang iniwan ng kanilang idolo.

Hindi nawawala ang pagmamahal at pagkakaisa ng mga tagasuporta ni Da King dahil kahit wala na ito ay nananatili pa rin siya sa kanilang mga alaala.

Kilala si Da King na matulungin at ayon sa kanyang anak na si Senadora Grace Poe, kung nabubuhay lang ang kanyang ama ay tiyak na mangunguna ito sa pagtulong sa mga nangangailangan lalo na ngayong mayroong matinding dinaranas na pandemya ang mga Pilipino.

Si Da King ang madalas lapitan at hingan ng tulong ng mga kaibigan at kakilala, lalo na ang mga maliliit na manggagawa sa showbiz, at sadyang malapit ang puso sa mga hikahos sa buhay.

Bagamat hindi na nakikita ang pisikal na presensiya ng hari ng pelikulang Pilipino, iniwan naman nito ang kanyang legasiya sa pagtulong sa mga mahihirap at kapos-palad sa pamamagitan ng Ang Panday Bayanihan.

Ang apong si Brian na anak ng senadora ang nangangasiwa sa Ang Panday Bayanihan at tahimik na tumutulong at umaalalay sa mga Pilipino lalo na sa panahon ng kalamidad.

Hindi ugali ni Da King na ipagwagwagan o ipamalita sa publiko ang pagtulong sa kapwa at iyan ang ginagawa ngayon ng kanyang pamilya na tahimik na tumutulong sa mga mamamayang matinding naapektuhan ng krisis sa COVID.

At dahil kaarawan ni Da King, aasahang mga masasayang alaala lamang ang sasariwain ng kanyang pamilya at mga tagasuporta , bagamat sa kaibuturan ng kanilang mga puso, hindi nawawala ang paniniwalang naging Presidente sana ang kanilang idolo kung hindi ito nadaya noong 2004 Presidential elections kung saan ang nagwagi ay si dating Pangulong Gloria Arroyo.

Para kay Da King, Happy Birthday!

Leave A Reply

Your email address will not be published.