Abante Tonite Interactive

Walang last will and testament 

470
Clear It by Atty. Claire Castro
Dear Atty. Claire,
Magandang araw po sa inyo.
May gusto po sana akong idulog ito ay tungkol sa conjugal property ng magulang ko. Namatay ng Ja­nuary 2011 ang nanay namin at pagkatapos nun September 2012 nagpakasal na muli ang tatay ko sa ibang babae. Bale 1 and half years after mamatay na­nay namin nu’ng nagpakasal sila.
Gusto ko pong malaman kung maililipat ba ‘yun ng tatay ko sa kanila ngayon ng bago niyang asawa ang titulo at kung gaano kalaki ang magiging parte namin.
Paano po kung namatay bigla ang tatay ko at wala siyang naiwang last will of testament at nakapangalan pa din sa kanila ng nanay ko ang titulo? Ano po ang magiging habol at karapatan namin ng kapatid ko?
Pangalawa, nakamana ang tatay namin ng parte sa lupang ng kanyang mga magulang at ito ay naibenta na.
Meron po ba kaming karapatan din sa perang namana niya? Sa nga­yon po kasi ay wala kaming alam ng kapatid ko kung magkano talaga nakuha niya sa pinagbentahan at mukhang lahat ng pera or accounts niya ay hawak ng bago niyang asawa.
Sana po ay matulu­ngan at masagot nyo ang aming mga katanungan.
Lubos na gumagalang, SamSam, Ang ari-arian na na acquire ng nanay at tatay mo ay mananatili na nakapangalan sa kanila at hindi ito maililipat sa pangalan ng bago niyang asawa.
Kayo bilang lehitimong anak ng tatay at nanay mo ay may parteng makukuha sa nasabing ari-a­rian.
Sa ngayon na nawala na ang nanay mo ay dapat nang hatiian ng tatay mo ang nasabing lupa sa pangalan niya at ninyong dalawang makapatid.
Dapat na magsagawa na kayo ng tatay ninyo ng extrajudicial settlement of estate ng namayapa mong nanay para mahati ito sa tatlong pantay pantay na hatian… kaya ang titulo ng lupa (at bahay) ay dapat na maipangalan na sa inyong tatlo.
Maiiba ang aking sagot kung ang ari-a­rian ay namana lamang ng tatay mo sa magulang niya dahil ma­nanatili itong kanyang ekslusibong pag-aari at hindi kahati ang nanay mo. Maaari niyang gawin ang nais niya rito habang buhay siya.
Kapag namayapa na rin siya ay doon lamang mahahati ito ng pantay-pantay sa pagitan ninyong magka­patid at ng bagong niyang asawa at anak (kung mayroon man).
Katulad ng sinabi ko ang lupang namana ng tatay mo ay kanya lamang kaya’t ang napagbentahan dito ay ma­nanatili na sa kanya lamang at maaari niya itong gastusin kung nanaisin habang buhay siya niya nang walang nilalalabag na batas.
Wala pa kahit sino sa mga tagapagmana niya ang may karapatan dito dahil sa habang-buhay ang magpapamana ay hindi pa hinog ang karapatan na maghabol ang mga tagapagmana… ito ay mas kilala sa tawag na inchoate right.
Mahihinog lamang ang karapatang magmana kapag namayapa na ang magpapamana.
Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@yahoo.com