Abante Tonite Interactive

Walang mali sa alokasyong bigas ng CDO sa Zambo – NFA

By
209

Nanindigan ang National Food Authority (NFA) na walang mali sa naging desisyon nito na ibigay muna ang alokasyong bigas ng Cagayan de Oro City sa Zamboaga City upang agad na masolusyunan ang kakulangan ng suplay ng bigas doon.

Aprubado din umano iyon ni NFA Administrator Jason Aquino, ayon kay NFA Spokesperson Rex Estoperez. Hindi rin umano matatawag na diversion kundi re-allocation lamang.

Nakiusap sila sa Cagayan de Oro na ang kanilang alokasyon ay dalhin muna sa Zamboanga matapos na ring lumabas sa kanilang evaluation na mataas pa ang inventory ng bigas sa CDO habang nangangailangan naman ng agarang supply ang lalawigan ng Zamboanga.

“Hindi naman maa­apektuhan ang operation and distribution sa Cagayan de Oro kung sa Zamboanga muna ibaba ‘yung 60,000 sako ng bigas,” giit ni Estoperez kung saan nasa 290,000 ang stocks pa ng bigas ng CDO.

Ukol naman sa pa­nawagan na magbitiw sa puwesto si Aquino at tuluyan nang buwagin ang NFA, sinabi ni Estoperez na kapwa walang basehan ang panawagan ng mga kritiko ng ahensya.

Malinaw naman umano na nagtatrabaho ang mga opisyal ng NFA subalit hindi nito kontrolado ang pamama­lakad dahil kailangang dumaan sa council ang bawat hakbang na gagawin.