Abante Tonite Interactive

Walang NSPC para sa 2021

0 317

Tuwing summer, imbes magbakasyon – maraming campus journalists ang mas pinipiling mag-training bilang paghahanda sa mga press conference na taunang inaabangan ng mga batang mamamahayag.

Ang NSPC o National Schools Press Conference ang itinuturing na Olympics of Campus Journalism dito sa Pilipinas. Bago ka kasi makarating sa NSPC, marami ka pang pagdaraanang lebel ng kompetisyon.

Kailangang manalo ka muna sa division bago ka makalaban sa regional level. Pag nakuha mo na ang kampeonato sa rehiyon, panahon na para lumaban ka sa national level.

Para sa marami, butas ng karayom ang susuungin bago lumusot sa NSPC. Talagang pinaghahandaan ito ng mga estudyante’t guro.

Kaya naman marami ang nalungkot sa balitang wala munang NSPC sa 2021. Ibig sabihin, wala ring journalism contests ngayong taon. Masaklap na balita ito para sa mga campus journalist na pa-graduate na sa senior highschool.

Panahon pa naman ito para sa iba na gustong bumawi lalo na ‘yung mga kinapos noong nakaraang NSPC.

May walong taon na rin akong nagte-train ng mga batang sumasali sa presscon. Kung tutuusin, nalungkot din ako sa balita. Pero kaligtasan ng bawat isa ang isinaalang-alang sa desisyong ito. Kaya tama lang ang ‘move’ ng Department of Education.

Mahirap na isapalaran ang lagay ng bawat delegadong dumadalo sa mga presscon. Delikado lalo pa’t hindi natin nakikita ang kalaban. Nasa ilalim pa rin ng lockdown ang maraming lugar. Kaya bawal ang mass gathering.

Sa ngayon, puwede namang magsanay ang mga bata para sa mga susunod pang taon. Sa bahay na lang muna kayo mag-train. Kahit wala pang klase, huwag kalimutang magbasa at magsulat para mahasa ang inyong journalistic skills. Sa mga graduating CJs naman ngayong taon, OK lang ‘yan. Sa college na lang kayo bumawi.

Tonite – Wendys Inhouse Ad