Abante Tonite Interactive

Walang pang-tuition nagpakamatay

4,684

Labis ang pagdadalamhati ngayon ng isang pamilya sa lalawigan ng Cagayan matapos na magpakamatay ang isang 18-anyos na ­estudyante dahil sa kawalan ng perang pang-tuition sa pinapasukan nitong paaralan.

Pero lumalabas na posibleng hindi umano humantong sa pagbibigti ang biktima na itinago na lang sa pangalang Raymond kung hindi ito ipinahiya ng kanyang guro.

Batay sa salaysay ng inang si Mela Sergia, napahiya ang kanyang anak sa harapan ng mga kaklase nito matapos pagsabihan ng guro na hindi makakatapos ng high school dahil hindi pa umano kumpleto ang bayad sa kanilang eskuwelahan.

Napag-alaman na nakapagbigay na ng paunang bayad ang anak ni Ginang Sergia pero may balanse pa ito na kailangan nilang ayusin.

Ipinaalala umano ito sa kanya ng anak nang umuwi ito noong Miyerkoles ng hapon galing sa eskuwelahan.

Sinabihan naman umano ng ginang ang anak na saka na nila babayaran ang kulang pa at siya na rin ang makikiusap sa guro nito.

Kalaunan, sa hindi inaasahang pangyayari, ay natagpuan na lamang ng ina si Raymond na nakabigti na sa kusina ng kanilang bahay sa bayan ng Alcala.

Paniwala ng ina ni Raymond na hindi ito mangyayari sa kanyang anak kung hindi napahiya sa guro nito.

May nabasa pa umano siya na text message sa cellphone ng anak kung saan ay ipinarating ni Raymond ang saloobin na masasaktan ito kapag hindi nakasama sa pagtatapos nila.

Wala pang pahayag ukol dito ang guro at maging ang eskuwelahang pinapasukan ng nasawi.