Abante Tonite Interactive

Walang ‘pork’ sa P3.757T 2019 budget — Palasyo

By
208

Kinontra ng Malacañang ang pahayag ni Senador Panfilo Lacson na mayroong bilyon-bil­yong pisong nakatagong pork barrel fund sa pa­nukalang P3.757 tril­yong pambansang budget sa 2019.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakatitiyak siyang walang pork barrel ang isinumiteng proposed budget para sa susunod na taon dahil desidido si Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang katiwalian sa gobyerno.

“The President is un­relenting in his campaign against graft and corruption and he does not condone pork barrel. We guarantee you it is pork-free,” ani Roque.

Binigyang-diin pa ni Roque na hindi katanggap-tanggap kay Pangulong Duterte ang pork barrel at hindi nito kukunsintihin ang pagmamalabis o pag-abuso sa pondo ng gobyerno ng mga mambabatas.

Bagama’t mas maha­ba ang karanasan ni Lacson bilang mambabatas kumpara sa kanya, sinabi ni Roque na nakatitiyak siyang walang pork barrel sa isinusulong ngayon ng Palasyo sa pambansang budget para sa susunod na taon, at alam nito kung ano ang totoo.

“I leave it to Senator Lacson because he is a legislator. He knows what he talks about. My stint in Congress was too short to actually know what he is talking about but he has had three terms in Congress, he knows better,” dagdag pa ni Roque.

Tinatawag na ‘pork’ ang diskresyon ng mga mambabatas sa budget ng bawat ahensiya ng gobyerno.

Kung may proyekto ang isang mambabatas sa isang ahensiya ng gobyerno, ito ang pinagkukunan nila ng kickback o komisyon.

Binago ng economic managers sa cash-based system ang paggastos ng budget sa susunod na taon, kaya’t hinarang ito ng mga kongresista dahil sa mababawasan ang budget ng mga ahensiya ng gobyerno.

Tanong naman ni Lacson, bakit ang mga kongresista ang umaangal sa nabawas na budget ng mga ahensiya ng gobyerno.