Abante Tonite Interactive

Walang puwang ang pasaway sa PNP

0 280

Patay ang mga asa sa padrino na magpupulis dahil wala silang puwang na maging miyembro ng Philippine National Police (PNP).

Ito ang pagtitiyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) PMGen. Guillermo Eleazar kasunod nang aprubal sa 300 bagong recruit ng PNP.

Buong pagmamalaking sinabi ni Gen. Eleazar na walang padrino, sponsor at lalong walang nakiusap na politiko at mayaman para mabilang sa nasabing unang batch.

Iisa ang pinagdaanang pagsubok ng unang batch ng mga pulis bago napiling miyembro ng kapulisan.

Sabi nga ni Eleazar, panahon na para kumuha ng best policemen para sa PNP at sa ating bansa.

Kaya naman saludo tayo sa pagpupursigi ni Gen. Eleazar na malinis ang hanay ng PNP.

Sabagay sa dating kalakaran, karamihan sa mga nagiging pulis ay may kanya-kanyang ninong o padrino. Kaya naman kahit bagito pa lang ay namumula na ang hasang dahil tila nakasandal sa pader bunsod ng hebigat na padrino.

Dahil hindi dumaan sa matinding pagsala at gamit lang ang mga padrino kaya napasok sa pagka-pulis, marami ang nasangkot sa hulidap, drug at gambling protectors, at kotong cops.

Ang sistemang ipinairal ngayon ng PNP ay ang paggamit ng bar coding system.

Sa ilalim ng ganitong proseso ang bawat aplikante ay binibigyan ng secret code na walang ibang makakaalam.

Kaya hindi matutulungan ng sinumang padrino ang isang aplikante dahil nga walang nakakaalam kung ano ang secret code ng aplikante.

Ang makabagong sistemang ito ang susi ng PNP para hindi dumaan sa palakasan ang pagkuha ng bagong pulis.

Unang nasampolan ng prosesong ito ay ang 4,000 aplikante sa pagkapulis na sumailalim sa physical and agility test kasama na ang neuro-psychiatric exam at bawat resulta ng pagsusulit at pagsusuring dinaanan ng aplikante ay awtomatikong pumapasok sa secret code.

Harinawa ay makatulong ang sistemang ito upang sa gayon ay lehitimo at karapat-dapat na mga pulis ang madagdag sa puwersa ng ating PNP.