Walang sablay sa ₱75B alokasyon para sa DPWH infrastructure project
By Aries CanoWalang nakikitang sablay ang Department of Public Works and Highways(DPWH) kung magsalpak man ng karagdagang P75 bilyon ang Department of Budget and Management (DBM) para sa alokasyon ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kahapon sa kontrobersyang bumabalot sa pambansang budget, nilinaw ni DPWH Undersecretary Catalina Cabral na ang diumano’y ‘insertion’ na ginawa ng DBM sa pondo ng DPWH para sa 2019 ay bahagi ng ‘normal budget process’.
Tiniyak ni Cabral sa Appropriations Committee na pinamumunuan ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., na ang mga detalye ng P75 bilyon na idinagdag sa P480 bilyon na budget ng DPWH ay ipinadala na sa mga regional office para sa ‘proper vetting’.
Ipinaliwanag ni Cabral na nalaman lamang ni DPWH Secretary Mark Villar ang tungkol sa P75 bilyon matapos isumite sa Kongreso ang 2019 national expenditure program (NEP).
“I recall the Secretary saying we consider it a budgetary adjustment and therefore DBM has the prerogative to add or reduce. We took the NEP as it is,” sabi ni Cabral.
“After it was submitted to Congress, we gave our regions and district a copy of the entire NEP for them to evaluate whether the projects can be implemented,” dagdag nito.
Maikukunsidera aniyang budget ng Presidente ang karagdagang pondo kung nanggaling ito sa DBM.
Matatandaan na inupakan ni Andaya si DBM Secretary Benjamin Diokno dahil hindi umano nito pinabatid sa mga opisyal ng DPWH ang isiningit na P75 bilyon.