Abante Tonite Interactive

Walang sequel kung flop ang Part 1

By
341

Napasabak tayo sa plenaryo noong isang linggo. Ang isang nakakatawa, tinawag nilang ‘Trabaho Bill’ ang panukala ukol sa buwis pero klaro naman na Part 2 ito ng TRAIN.

Paano naman makakapasa ang bill na ito kung hindi alam ng mismong mga proponent (maging ang Department of Finance) ang estimates sa pakinabang sa job creation, investments at government revenue. Meron ba talaga o wala? O baka naman pinasasakay lang uli ang taumbayan kagaya ng nangyari sa TRAIN 1?

Matapos ang ilang buwang pagpapatupad ng TRAIN 1, naka­pinta sa pader ang mga pasakit na dulot nito. Wala naman talagang kinita ang gobyerno at nagkahirap-hirap pa nga ang maraming Filipino. Huwag naman sanang magbulag-bulagan ang ating mga kasama. Huwag nang humirit ng sequel kung flop naman ang Part 1.

May mapupulot na mga aral at katuwiran sa nakaraan.

Nag-warning na noon pa ang Scottish moral philosopher na si Adam Smith.

“Ang pagpapataw ng napakataas na buwis – tulad ng anumang sobrang pang-aabuso sa kapangyarihan – ay dapat tapatan ng pag-aalburuto ng mga tao,” ani Smith sa kanyang libro na ‘Lectures on Jurisprudence’ (1763).

Para kay Smith, may karapatang magalit ang mga tao kung walang tigil ang gobyerno sa pagbubuwis.

Bago ang babala ng philosopher, nagsabi muna ang isang law student na si Marcus Tullius Cicero na may malubhang sakit ang kanilang Roman Republic dahil sa nag-uumapaw ang kapangyarihan at kayamanan ng mga politiko.

May pinaghuhugutan si Cicero. Naglalaway kasi ang burukrasya o gobyerno (na kontrolado ng sinasabi niyang mga politiko) sa kayamanan at mga ari-arian ng kanyang kliyente na isang negosyante.

Base sa kuwento, nakahanda si Cicero na ipaglaban sa Senado ang kaso ng kanyang kliyente. Tulad ito ng mga Congressional hearing sa atin ngayon.

Dahil sa pagiging ideyalista ni Cicero, nasinghalan tuloy siya ng kanyang law teacher na si Scaevola: “Tanga! Anong laban ng iyong mga ebidensiya? Kung gusto ng gobyerno na nakawan at wasakin ang isang tao ay magagawa nito. Sina­yang mo lang, Marcus Tullius Cicero, ang turo ko sayo!”

Pero sinuway ni Cicero ang kanyang guro at hinarap pa rin niya sa bulwagan ang mga mahistrado. Sabi niya: “Ang aming tinapay at alak ay inyong binubuwisan, pati ang aming mga kita at sariling negosyo at kasama na rin ang aming lupa at mga pag-aari, ang lahat-lahat pero para saan?”

Hindi ba’t ganito ang nangyayari sa atin ngayon?