Abante Tonite Interactive

Walang sinasanto

292

Muling napatunayan ang husay at dedikasyon sa tungkulin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) ­Director Guillermo Eleazar sa kagyat na pag-aksyon para lipulin ang kidnap for ransom gang.

Ito ay matapos na magpasaklolo sina Bureau­ of Internal Revenue (BIR) Commissioner Cesar Dulay at Finance Secretary Sonny Dominguez kay NCRPO Director na habulin ang sindikatong nasa likod ng ­kidnapping na humihingi ng ransom sa kanilang mga biktima.

Alam n’yo bang dahil sa koordinasyon ng BIR, DOF sa kapulisan ay nagsimula nang mag-isyu ng search warrant laban sa mga suspek ang NCRPO?
Kaya huwag na ­tayong magtaka na kung sa mga darating na araw ay isa-isa nang babagsak ang mga galamay­ ng kidnap for ransom gang.

Sabagay mahirap talagang kapain ang kaso ng kidnapping lalo na’t takot ang mga biktima na isuplong sa mga awtoridad ang kanilang sinapit dahil sa takot na matuluyan ang kanilang kaanak na dinukot o sinumang miyembro ng pamilya.

Pero dahil sa marubdob na pagtutok ni NCRPO Director sa kaso ay unti-unti nang nagkakaroon ng linaw na maaring humantong sa pagkakalutas sa mga kaso ng pagdukot na nangyayari ngayon sa Metro Manila.

Kaya hindi nagkamali si PNP Chief Oscar Albayalde sa suportang ibinibigay kay Gen. Eleazar­­ dahil talagang maasahan ito.

Kung epektibo sa NCRPO si Gen. Eleazar, tiyak itong mas kapaki-pakinabangan kapag naluklok na pinuno ng PNP chief!

***
Usapang epektibo pa rin tayo. Sayang at naputol­ ang pamu­muno ni Mam Gina Lopez sa DENR dahil sa problema sa kumpirmasyon ng Com­mission on Appointment (CA).

Si Mam Gina ay pumanaw na kahapon dahil sa brain cancer. Nakakagulat ang big­lang pagyao ni Mam Gina lalo na’t napaka-aktibo pa nito sa mga proyektong pangkalikasan sa kabila ng pagiging isang ordinaryong mamamayan na niya.

Sa katunayan sa pagsubaybay natin sa kanyang mga proyekto nitong nasa pribadong buhay na siya ay labis niya tayong napa­hanga dahil lalo itong naging masigasig sa pagtulong hindi lang sa pagsalba sa ating kalikasan kundi pati sa pag-ahon sa kahirapan ng ating mga kababayan sa kanayunan.

Kaya ngayong yumao na ang dating kalihim ng DENR na tinawag ngayong ‘Earth warrior’ ng karamihan, hangad nating ipagpatuloy sana at pahalagahan ng ibang may pagmamahal sa kalikasan ang lahat ng kanyang nagawa para sa ating bayan.