Abante Tonite Interactive

Walang sini-sino ang COVID-19

0 328

Marami ang nabigla nang tumawid na sa ating bansa ang kinatatakutang coronavirus disease 2019 (COVID-19) na agad-agad ay nanalasa at mabilis na nagpakita ng bangis at pumatay ng marami sa loob lang ng ilang araw.

Ilan sa mga pinakahuling nagpositibo ay si Sen. Koko Pimentel at ang mismong Prince of Wales na si Charles Philip Arthur George aka Prince Charles at napakarami pang mga kilalang tao sa mundo.

Ibig sabihin, wala talaga itong sini-sino, mahirap hanggang pinakamayamang tao sa mundo ay hindi kayang pigilan ang paglaganap ng naturang virus.

Sa ating bansa ay nananatiling nasa enhanced community quarantine tayo at dahil sa matagal na pagkakatigil sa ating mga tahanan ay maraming katanungan ang naglabasan sa ating mga kaisipan.

Ngunit naisip mo na ba kung bakit nagkaroon ng COVID-19 at kung bakit sa panahong ito dapat mangyari ang isang nakakapangilabot na pangyayaring ito na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring solusyon.

Ayokong bigyang buti ang pagkakaroon ng COVID-19 sa ating bansa ngunit nais kong silipin sandali ang mga buting idinulot nito sa ating sambayanan.

Unang-una ay naibsan nito ang ilang malalang banta sa mundo at isa rito ay ang itinuturing na worldwide killer na itinuturing na ring pandemic na air pollution.

Ayon sa pag-aaral na inilimbag ng International Cardiovascular Research, ang nilalanghap na hangin ng mga tao ay lubha nang napakadelikado at tinatayang nasa 8.8 milyon ang namamatay kada taon.

Kalimitang nagmumula ang polusyon sa hangin dahil sa pagsusunog ng panggatong, paggamit ng gasolina sa makina ng sasakyan at uling na ginagamit sa mga power plant.

Ayon sa pag-aaral ng Max Planck Institute sa Mainz, Germany higit na malaki ang pangamba sa kalusugan ng publiko ang inilalagay na polusyon sa hangin na nagdudulot ng wala sa oras na kamatayan.

Nasa 19 beses itong malala kumpara sa pagkamatay dulot ng malaria, siyam na mas malala kumpara sa HIV-AIDS at tatlong beses na mas malala sa pagkagumon sa pag-inom ng alak.

Dahil sa enhanced community quarantine ay napilitang huwag lumabas ang mga tao na malaking bagay ito para maibsan ang maduming hangin sa Metro Manila at karatig lalawigan.

Marami rin ang natuto na dapat ay maging malinis tayo sa ating pangangatawan upang hindi tayo mahawaan ng naturang sakit at marami rin ang natutong manalangin sa Panginoon.

Nagkaroon din ang maraming ama na makasama ang kani-kanilang mga pamilya at magkaroon ng mahabang panahon para pag-usapan ang mga bagay-bagay sa kanilang pamilya.

Maging ang mga mag-asawang halos wala ng panahon para sa isa’t isa ay nagkaroon din ng pagkakataon para muling ibalik ang nawalang init ng kanilang pagmamahalan dahil sa sobrang abala sa mga pangarap.

Hindi ko sinasabing maganda ang mayroong COVID-19, ang sinasabi ko ay gamitin natin ang pagkakataong ito para makapagnilay-nilay para mapagtanto natin ang mga maling bagay sa ating buhay.

Huwag nating sayangin ang sakripisyo nating ito na mapunta lamang sa wala dahil sa naniniwala akong kaya nagkaroon ng COVID-19 ay upang paalalahanan tayo ng Langit sa mga bagay na hindi na dapat ngunit wala tayong pagkakataong maisip.