Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Walang taas-singil sa tubig hanggang 2022 – DOJ

0 128

Inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na walang magaganap na pagtaas sa singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water hanggang Disyembre 2022.

Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa press briefing sa Malacañang matapos ihayag na mayroon ng bagong kontrata sa gobyerno ang dalawang kompanya.

Nakapaloob aniya sa bagong kontrata na hindi magtataas ng singil sa tubig hanggang sa katapusan ng 2022.

“Wala tayong magiging increase in water rates of tariffs until December 31, 2022, out of consideration for the existing situation natin. So ang next possible adjustment sa ating water rates will happen only in 2023,” ani Guevarra.

Isa aniya sa tampok sa bagong kontrata sa Maynilad at Manila Water ay ang pag-aalis sa probisyon na hindi maaaring makialam ang gobyerno sa anumang mapagkakasunduan sa presyo ng tubig.

Idinemanda aniya noon ng Manila Water at Maynilad ang gobyerno nang makialam sa pagtataas ng mga ito ng singil sa tubig at pinagbayad pa ang pamahalaan ng halos P11 bilyon.

“Sa government side malaki ang pagbabago, gaya ng pagtanggal sa napaka-onerous na non-interference clause na hindi puwedeng pakialaman ng national leadership ang anumang mapagkasunduan ng Regulatory Office at ng water concessionaire regarding water rates,” paliwanag pa ni Guevarra.

Sa bagong kontrata, sinabi ng kalihim na kapag may nakitang dehado ang mga water consumer ay maaaring mamagitan ang gobyerno at wala na ang pangamba na buweltahan sila ng dalawang kompanya.

“Let’s say ang water rates na ini-impose ng water concessionaire ay hindi makatarungan, hindi fair, hindi equitable, then the national government may enter the picture, may put its foot down and intervene if necessary without fear of getting penalized or getting sued for such intervention,” wika ni Guevarra. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.