Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Walang tatalo sa diskarteng Pinoy

0 109

Ilang buwan na lamang ang bibilingin at aakyat na sa ikatlong taon ang ating pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic na malinaw na nagpalumpo sa halos lahat ng negosyo at maging sa personal na buhay, hindi lamang nating mga Pinoy kundi pati na rin ang mga mas mayayamang bansa.

At kahit pa nga namigay ng ayuda ang mga kinauukulan para madugtungan ang araw-araw na pantawid ng mga kinapos ay hindi pa rin umubra, patunay lamang ang mas maraming reklamo kumpara sa pagpupuri sa mga naging aksiyon ng pamahalaan.

Pero kasabay ng reklamo, dumiskarte din ng kanya-kanya ang maraming mamamayan upang hindi ngumanga na lamang kapag naubos na ang kakarampot na natanggap mula sa gobyerno.

Ilan sa mga kuwento ng epektibong diskarte na naibahagi sa akin ay ang mga pagpaparaffle ng kung anu-ano, mula sa pinakasimpleng gamit sa kusina, graba, semento, bakal at maging isda na kabilang sa mga madalas na ulam natin bilang isang bansang binubuo ng mga isla at napapalibutan ng karagatan.

Hindi na bago sa pandinig natin ang raffle dahil ito ay kabilang sa mga main event sa mga Christmas party at madalas ay tampok din sa mga sale sa mga department store.

Pero ‘yung maisipan mong magparaffle ng tatlong kilong isda at graba para lamang maitawid ang mga pangangailangan sa panahon ng pandemya ay masasabing kakaibang diskarte talaga.

Marami ang gumawa ng ganitong diskarte sa bayan na aking pinagmulan, diyan sa Odiongan, Romblon.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa mga impormasyong aking nalaman, may mga pagkakataon daw na kapag mayroong magagandang klaseng isda, gaya ng lapu-lapu, talakitok (mamsa sa local na pangalan) at iba pang kauri ng mga ito ay agad na bibilhin ng mga may naitatabing per ana kakayanin ang presyo ng mga ito.

Matapos mabili, iiimbak nila ito sa situwasyong hindi agad masisira o mabibilasa sabay post sa social media na sila ay nagpaparaffle ng ganitong klase ng isda na tumitimbang ng ganito kabigat sa isang particular na halaga bawat raffle entry.

At dahil likas sa mga Pinoy ang pumasok sa game of chance, nakukompleto ang mga kombinasyon na kailangan at naidadaos agad ang raffle na nakalive din naman sa pamamagitan ng social media account ng nagparaffle.

Maasahan ang magandang kalidad ng isda na ipinaparaffle dahil isang sablay lang ng nagparaffle ay hindi na siya makakaulit, iiwasan na ng mga mananaya at doon na lamang tataya sa may mga magagandang reputasyon sa mga nananalo.

Ganoon din sa graba, bagama’t hindi ito kagyat na pangangailangan sa situwasyong pantawid-gutom, iniipon naman ang mga ito ng mga nais na magpakumpuni ng kanilang tahanan o kaya magpasemento ng bakuran.

Ngayong ramdam na ang paghupa ng mga kaso ng COVID-19, tuloy-tuloy pa rin ang raffle dahil nakasanayan na ito ng mga mananaya na naniniwalang sa maliit na halagang pakakawalan ay may tsansa silang makapag-ulam ng masarap, makapag-ipon ng pampaayos ng bahay o kaya naman ay madagdagan ang mga gamit sa kusina.

‘Yan ang diskarteng Pinoy na hindi kayang tapatan ng ibang mga lahi.

Leave A Reply

Your email address will not be published.