Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Walang tiwala sa bakuna

0 313

Sa kasalukuyan, ang bakunang Coronavac na gawa ng Sinovac ng China ang bumubuo sa halos 70% (5.5 million ng kabuuang 8.28 million doses nitong kalagitnaan ng Mayo) ng kabuuang stock ng bakuna kontra COVID sa loob ng bansa.

Kung gayon, nakasalalay ang maagap na pagbabakuna ng mga pinakabulnerableng Pilipino (frontline health workers, senior citizens, at mga may comorbidity) sa mabilis na pagpapalaganap sa kanila ng bakuna ng Sinovac. Sa kasamaang palad, malaganap ang “vaccine hesitancy” sa hanay ng publiko. Sa isang Pulse Asia survey noong Marso, 61% ang nagsabing hindi sila magpapaturok kung may bakunang nakalaan sa kanila. Mauugat ito sa kontrobersya kaugnay ng Dengvaxia. May 800,000 libong bata ang binakunahan ng Dengvaxia, at may ilang namatay na maaaring dinulot ng mga komplikasyon. Dahil dito, bumagsak mula 93% tungong 32% ang tiwala ng mga pamilyang Pilipino sa anumang bakuna noong 2018.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa kalagayang bumagsak ang kumpiyansa ng mga Pilipino sa bakuna, dumagdag ang kawalan ng tiwala sa bakuna ng Sinovac. Hindi nakatulong ang kakapusan ng siyentipikong datos mula sa Sinovac na magpapatunay ng kaligtasan at bisa ng kanilang bakuna, laluna noong unang inaprubahan ito ng ating Food and Drug Administration noong Pebrero. Tumatak sa publiko ang datos mula sa Phase III trial nito sa Brazil, na 50.4% lamang ang efficacy rate ng Sinovac. Napakalayo ng agwat sa efficacy ng bakuna ng Pfizer (na itinuturing na “gold standard”), na nasa 95% ang efficacy rate sa pagprotekta sa anumang impeksyon ng coronavirus.

Bagaman numero unong promotor siya ng mga bakuna ng China; taas-kamaong sinalubong pa niya sa airport ang unang delivery ng Sinovac sa bansa; at kontrobersyal na dineklara pa niyang may utang na loob ang mga Pilipino sa China dahil sa kanilang donasyon ng bakuna (gayong binabayaran ng buwis ng mamamayan ang bulto ng bakunang Sinovac; maliit na bilang lamang ang donasyon), hindi nagpabakuna ng Sinovac si Duterte. Sa halip, pinalaganap ng Malacanang ang kanyang larawan na tinuturukan siya ni Health Secretary Duque ng bakunang Sinopharm. Isa rin itong bakuna mula sa China, ngunit hindi pa binibigyan ng FDA ng Emergency Use Authorization. Nagamit lamang ni Duterte sa kaniyang sarili matapos humingi ng espesyal na dispensa mula sa FDA. Ayon mismo kay Duterte, Sinopharm, hindi Sinovac, ang nirekomenda ng kanyang personal na doktor para sa isang senior citizen na katulad niya – gayong pinahihintulutan ng DOH ang paggamit ng Sinovac para sa mga ordinaryong senior citizen. Ayaw gamitin ng manlalako ang produkto niya sa kanyang sarili. Si Pang. Duterte mismo ang tagawasak sa kredibilidad ng Sinovac sa mata ng publiko.

Katulad ng nangyari sa Dengvaxia, na ginamit ng mga panatikong tagasuporta ni Duterte, sa pangunguna ni Public Attorney’s Office chief Persida Acosta, bilang sandata para tuligsain ang mga Dilawan, sinasakyan ng ilang mga kritiko ng administrasyon ang kawalan ng tiwala ng publiko sa Sinovac at malaganap na sentimyento kontra sa China (dahil sa panghihimasok sa West Philippine Sea) upang idiin ang rehimeng Duterte sa malubhang kakapusan ng programa nito sa bakuna. Bagaman wasto na singilin ang kapalpakan ni Duterte, kailangang mag-ingat ang mga naturang kritiko na hindi sila mahalintulad kay Acosta, na hinayaang manaig ang pamumulitika sa siyentipikong ebidensiya. Nakalathala na ngayon ang iba’t ibang siyentipikong pag-aaral hinggil sa “real-world effectivity” ng Sinovac: 98% proteksyon kontra sa kamatayan, 96% kontra ospitalisasyon, ayon sa pagsubaybay sa mahigit 120,000 health workers sa Indonesia. May kahalintulad na datos din mula sa Brazil at Thailand. Sa madaling sabi, kailangang kilalanin ng lahat ang katotohanan na isang mahalagang kasangkapan ang Sinovac sa paggapi sa pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.