Abante Tonite Interactive

Walang VIP treatment kay Baldo! — BJMP

350

Walang ‘special treatment’ kay Daraga Mayor­ Carlwyn Baldo na sumuko sa mga awtoridad matapos ang limang araw na pagtatago, ayon sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ito ang paniniyak ni Chief Insp. Xavier Solda, spokesperson ng BJMP, sa pamilya nang napatay na si Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe.

“Baldo underwent the usual process on new persons deprived of liberty (PDL) which was to go through booking procedure after being subjected to medical examination,” giit ni Solda.

Aniya, si Baldo ay ituturing lamang na ordinaryong preso sa Legazpi City Jail Annex makaraang ipasok doon bandang alas-10:35 ng umaga.

Si Baldo ay halos limang araw na nagtago sa batas makaraang magpalabas ng ‘arrest warrant’ na inisyu ni Judge Maria Theresa Loquillano sa kasong ‘two counts of murder’ at ‘six counts of attempted murder.’

Kasama ng nasabing alkalde sa piitan ang may 324 preso na may 80 ‘percent congestion rate.’

Si Baldo ay ina­akusahang utak sa pagpaslang kay Batocabe at police security aide, na si SPO2 Orlando Diaz, matapos ang ‘gift-giving ceremony’ sa Barangay Burgos noong December 22, 2018. (Dolly Cabreza)