Abante Tonite Interactive

Walisin ang pasaway na mga motorcycle rider

480

Habang marami ang excited sa para­ting na Pasko dahil sa mga regalo at bonus na matatanggap, tiyak na maraming riders naman na nakikinabang sa motorcycle ride-sharing na Angkas ang kakaba-kaba.

Ngayong Disyembre na kasi matatapos ang ‘experimental’ period ng Angkas na ibinigay ng Department of Transportation(DOTr) para malaman kung ligtas silang gamitin bilang isang uri ng pampublikong transportasyon. Kaya naman tinatayang nasa 27,000 biker-partner ang mag-aabang kung patuloy pa silang makakapa­sada.

Sa dami ng mga aksidente sa kalye na kinasangkutan ng mga rider, tanong ng ating kurimaw na takot sa motorsiklo, ilan kaya rito ang Angkas? Tiyak na isa sa mga ikokonsidera ng mga kinauukulan kung dapat pang magpatuloy ang Angkas ay kung ilan ang bi­ker-partners nila na inireklamo at ilan ang nasangkot sa aksidente, at kung may pasahero silang nadamay.

Pero maganda ang hirit ng isa nating tsokaran, hindi raw porket magiging mababa ang aksidenteng kinasangkutan ng biker-partners eh ibig sabihin ay mai­ngat talaga silang magpatakbo. Dahil ‘experimental’ period o para bang ‘probationary’ ang kanilang pagkakaempleyo, natural daw na magiging maingat ang mga rider para hindi sila mahanapan ng butas na hindi sila dapat gawing permanente.

Ngayon ang tanong, kung tuluyan na kaya silang maging bahagi ng listahan ng mga pampublikong transportasyon at mabig­yan ng prangkisa, maging maingat pa rin kaya sila o ma­ging balasubas na rin sa pagpapatakbo tulad ng maraming ‘kamote’ riders?

Hindi biro ang dami ng mga motorsiklong nasasangkot sa disgras­ya. Batay sa datos ng MMDA noong 2018, umabot sa 26,652 motorcycle riders ang naaksidente sa Metro Manila pa lang. Sa naturang bilang, 204 ang namatay. Mas mataas ang bilang na ‘yan sa 22,063 insidente noong 2017, kung saan 236 naman ang nasawi.

Sa mga lungsod sa Metro Manila, pinakamaraming motorcycle accident ang nangyari sa Quezon City. Ang tanong, ano ang ginagawa o gagawin ng QC at mga barangay official para mabawasan ang mga aksidente? Sa QC rin napakara­ming ‘kamote’ riders na sumasampa sa bangketa para makaiwas sa trapik.

Sumbong nga ng ating mga kurimaw, lumuwag nga ang mga bangketa sa Quirino Highway sa Barangay Bagbag, Sauyo at Baesa, nagpista naman ang mga ‘kamote’ rider sa pagsampa sa bangketa dahil lumuwag. Ginagawa nila iyan kahit may mga naglalakad na tao at binubusinahan pa ng mga ugok. Ang matindi, ang mga ‘kamote’ pa ang galit at naghaha­mon ng away kapag sinisita. Aba’y ano kaya ang ginagawa ng mga opisyal ng barangay? Nagpapalaki ng ‘b’? As in beywang sa kakaupo sa opisina.

Sa mga LGU tulad ng QC, sa halip na aksayahin ang pondo ng lungsod sa kalalagay ng mga karatula na ‘bikers lane’ o ‘this is a drug free zone’, mas mabuti pa sigurong maglagay ng mga karatula sa poste na: ‘Bawal ang mga kamote rider sa bangketa’. Dapat din sigurong magkaroon ng malinaw na batas na puwedeng itapal sa helmet ng mga ‘kamote’ rider na bawal sila sa bangketa at may malaking multa.

Sa ngayon, may inihain nang panukalang batas na nagmumungkahing gawing ligal ang Angkas. Pero dapat may kaakibat itong mga deklarasyon at mahigpit na patakaran sa pagdisiplina sa lahat ng motorcycle riders para maiwasan ang mga sakunang kinasasangkutan nila. Mabuti sana kung sila lang ang maaaksidente at mga concrete barrier ang kanilang babanggain at huwag na silang mangdamay ng inosenteng tao o motorista. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”