Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Walk-in COVID test centers, Muslim cemetery at Binondominium sa Maynila

0 514

Sa gitna ng walang humpay na pakikibaka ng lungsod sa COVID-19, naging mabunga at abala ang pamahalaang-lungsod nitong nakalipas na linggo.

Ito ay inumpisahan namin sa pagbubukas ng aming unang ‘walk-in COVID testing center’ sa Ospital ng Sampaloc, na sinundan ng isa pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo sa loob ng tatlong araw.

Ang dalawang walk-in test centers na ito ay kasunod ng naunang dalawang drive-thru test centers na aming binuksan din ni Vice Mayor Honey Lacuna ng nakaraang linggo. Ang isa ay sa harapan ng Bonifacio Shrine katabi ng Manila City Hall at ang isa pa ay sa harapan naman ng Quirino Grandstand sa Luneta. Lahat lahat ay mahigit 1,000 katao ang nabibigyan ng libreng test araw-araw.

Plano din naming magpagawa ng panibagong quarantine facility sa Quiapo, bilang karagdagan sa 12 quarantine facilities na aming naunang ipinagawa, dahil ang bed capacity naming humigit-kumulang 600 ay puno na dahil sa biglang pagtaas ng mga kaso mula nang magluwag ang community quarantine.

Dumating din ngayong linggong ito ang aming inorder na ‘Architect i2000 SR machine na may dobleng kapasidad kumpara sa Architect i1000 SR machines na kasalukuyang ginagamit sa pag-analyze ng blood samples na kinukuha mula sa mga nagtutungo sa drive-thru at walk-in COVID testing centers.

Nais kong bigyang-diin na ang mga makinang ginagamit natin ay gawa ng kilalang kompanyang Abbott Laboratories. May 99.6 percent specificity at 100 percent sensitivity ang mga ito kung kaya’t ito ay mas tiyak, maaasahan at episyente. Wala din itong ‘false positive’ at ‘false negative’ na resulta gaya ng sa rapid tests.

Gaya ng swab test kung saan ang mga sample ay kinukuha sa ilong at bibig bago ilagay sa makina para ma-analisa, ang mga blood sample naman na kinukuha sa mga nagtutungo sa ating drive-thru at walk-in centers ay inilalagay din sa makina. Habang ang makinang ginagamit sa swab tests ay ang reverse time-polymerase chain reaction (RT-PCR), ang ginagamit naman sa blood samples ay ‘Architect i1000 SR’ serology machine na kasalukuyan ding ginagamit ng ilang mamahaling pribadong ospital.

Kaalinsabay ng mga ito ay natutuwa akong ibalita na atin nang natupad ang dalawang pangako na aking binitawan nung panahon ng kampanya.

Una na dito ay pagtatatag ng ‘Manila Muslim Cemetery’ sa 2,400- square- meter-lot sa Manila South Cemetery. Ito ay magsisilbing ‘exclusive ground’ para sa paglilibing ng mga katawan o buto ng mga Muslim na residente ng Maynila, kung saan lahat ng tradisyon na kaakibat ng mga Muslim burial ay ikinunsidera.

Dalawa lamang sa kasalukuyan ang Muslim cemeteries sa Metro Manila at puno na ang mga ito, kaya’t walang magawa ang mga miyembro ng Muslim community kundi dalhin ang kanilang mga yumaong mahal sa bujay sa Mindanao na lubhang magastos.
Malaki ang populasyon ng Muslim community sa Maynila at sa loob ng mahabang panahon, sila ay nakikiisa at maituturing na kaagapay ng lungsod pagdating sa pagpapatibay ng komunidad at pagnenegosyo at ang paglalaan ng sementeryo para sa kanila ay ang ating maliit na kaparaanan para ibalik ang kanilang kabutihan at gayundin, bilang pagkilala sa kanila bilang atin ding mga ninuno at pagpapaalam na sila ay kaisa ng lungsod.
Ikalawa ang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo sa Del Pan ng ‘Binondominium,’ isang 15-storey condominium building na magbibigay ng bahay para sa informal settler families mula sa ikatlong distrito ng Maynila. Bahagi ito ng in-city vertical housing project ng lungsod at kasunod ng naunang groundbreaking sa ‘Tondominium 1’ at ‘Tondominium 2’ sa Vitas, Tondo.

Lahat ng nasabing condominium buildings ay magkakaroon ng units na hindi bababa sa 40 square meters kada isa at may tig-dalawang kuwarto, isa para sa mag-asawa at isa para sa mga anak.

Nais kong maipakita kung paano magbigay ng isang de kalidad at disenteng tirahan at hindi ako tatanggap ng anumang ‘substandard’.

Bilang isa ring dating squatter, alam ko kung gaano kahirap ang araw-araw na mabuhay sa takot na maari kang mapalayas sa kahon na tinitirhan ninyo ng inyong pamilya at tinatawag ninyong tahanan. Di ko na mabilang kung ilang beses na kaming nakaranas ng demolisyon at ito ay isang karanasan na hangga’t maari ay ayokong maranasan ng sinumang batang taga-Maynila.

Hindi ko maisip na ang isang batang libagin, uhugin tolongges ay magiging alkalde at ama ng lungsod. Ang posisyong ito ngayon ang nagbukas sa akin ng pagkakataon upang mabigyan ang mga mahihirap na batang-Maynila ng isang bagay na kahit kelan ay hindi ko natikman, at ito ay ang isang tahanang maayos at kapanatagan na may uuwian pa silang tahanan pagkagaling sa eskwela o paghahanapbuhay sa kalsada.

Sa patuloy na tulong at awa ng Diyos at pakikiisa ng mga taga-Maynila, makakamit natin ito at mahigit pa.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.