Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Wangkata’ ni Angel

0 91

Matapos na maayos ang sinasabing “red tagging” o makulayan ng “pulahan” ang aktres na si Angel Locsin, ngayon naman eh mistulang na “chubby tag” siya ng isang guro sa learning module.

Sa isyu ng “red tagging” o pag-uugnay daw kay Angel sa mga makakaliwang grupo, tila naresolba na ito nang magpulong ang aktres at si Southern Luzon Command Chief Lt. General Antonio Parlade, Jr., na spokesperson din ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Pero bago pa man ang naturang pagpupulong, nauna nang nilinaw ni Parlade sa pagdinig sa Senado na ipinatawag ni Senador Ping Lacson, na hindi niya iniugnay si Angel sa komunistang grupo.

Ang naturang pagdinig mga tropapips eh ginawa para linawin ang mga alegasyon na nagre-“red tagging” ang ilang opisyal sa ilang celebrity na sumusuporta sa ilang progresibong grupo na may isinusulong na adhikain tulad ng kapakanan ng mga kababaihan.

At masaya si Lacson na nalinis ang pangalan ni Angel dahil malapit na kaibigan pala ng pamilya ng senador ang fiance o mapapangasawa ng aktres na si Neil Arce.
Katunayan kapag ikinasal daw si Neil eh malamang na kunin siyang ninong. At ilang araw matapos ang naturang pagdinig sa Senado, nagkaroon ng pag-uusap sina Angel at ang heneral at ika nga eh “all’s well that ends well.”

Pero bukod sa “red tagging,” naging laman din si Angel ng mga social media at maging ng ilang showbiz news dahil sa mga kawanggawa na ginawa niya. Aba’y hataw ang aktres sa mga pagtulong sa mga frontliner sa COVID-19 pandemic, at maging sa pagbibigay ng ayuda sa mga biktima ng kalamidad.

Ang nakalulungkot nga lang, sa kabila ng mga ginagawa ng aktres, parang mas nasesentro ang atensiyon ng mga tao sa katawan ni Angel. At malamang gaya ng kurimaw natin na panatiko ni Darna, mapapatanong siguro ang mga tao kapag nakita ang mga larawan niya ngayon–“bakit parang ang taba niya?”

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nasanay kasi ang mga tao na kapag celebrity, glamorosa at sexy. Kaya marami ring artista ang nakararanas ng depresyon at nakararamdam ng pressure na huwag tumaba. Kaya nitong nagka-lockdown, habang nagtatabaan ang mga “ordinaryong” mamamayan dahil sa kakaorder at kakapadeliber ng tsibog online, ang mga ta-artits, busy pa rin sa kaka-workout sa kani-kanilang bahay para mapanatiling maganda ang katawan.

Pero puna ng maraming netizens, mukhang below-the-belt naman ang ginawa ng isang guro sa Occidental Mindoro nang gawing example si Angel na “obese” sa ginawa nitong learning module.

Paliwanag ng DepEd-Occidental Mindoro, guro sa MAPEH ang gumawa ng module na inilarawan si Angel na “obese” [kasama ang isang aktor] dahil daw mahilig kumain ng matataba at matatamis na pagkain. At sa bahay, wala raw ginagawa si Angel kung hindi manood ng TV at walang physical activities.

Ano kayang problema ng guro at naisipang ilagay ang pangalan ni Angel sa module gayung puwede naman na hindi siya magbanggit ng pangalan? Dahil lalaki ang guro, baka naman dati siyang nagpapantasya kay Angel noong nagiging FHM Sexiest Woman pa ang aktres, at ngayon eh dismayado siya dahil nag-iba na ang pigura ng katawan nito at plano nang magpakasal? Ganun nga kaya?

Si Angel, palalampasin na raw sana ang panlalait sa kaniyang katawan pero hindi niya nagustuhan ang paliwanag ng opisyal ng DepEd-Occidental Mindoro dahil tila naghuhugas-kamay daw sa isyu. Bukod doon, mababakas din sa pahayag ng opisyal na tila pinoprotektahan pa niya ang guro.

Kung tutuusin, hindi naman ito ang unang pagkakataon na may mga puna sa learning module [kahit pa sinasabi ng opisyal na hindi dumaan sa DepEd Central ang module na binanggit ang pangalan ni Angel]. Pero dapat nga naman na may managot at humingi ng paumanhin sa mga estudyante ang mga palpak na gumagawa ng module dahil nagbibigay sila ng maling turo sa mga mag-aaral.

At dapat tandaan ng lahat, pati na si MAPEH teacher, na hindi dapat tumingin sa panlabas na anyo ng tao para maghusga. Sa halip na laki ng katawan, ang laki ng nagagawang kawang-gawa ang mas dapat na tingnan. Bukod doon, dapat irespeto ng lahat ang taong may-ari ng kaniyang katawan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.