Abante Tonite Interactive

Wanted nakorner sa Jollibee

282

Hindi na nakapalag ang wanted na security guard na may pending case matapos itong dambahin at posasan ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela Police sa harap mismo ng isang sangay ng Jollibee sa Caloocan City kamakalawa nang gabi.

Sa ulat ni SPO3 Louie Martinez, head ng WSS kay P/Sr. Supt. David Nicolas Poklay, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang naarestong si Mark Kenneth Bautista, 19, taga-Binangonan Rizal.

Sa talaan ng Valenzuela PNP, may kasong attempted homicide si Bautista at hindi dumadalo sa mga hearing kaya naisyuhan ng warrant of arrest.

Nakatanggap naman ng impormasyon ang WSS mula sa kanilang impormante na madalas umanong kumain sa nasabing food chain sa Caloocan si Bautista kaya tinugaygayan ng mga pulis.

Dakong alas-9:00 nang gabi, pumoste sa harap ng Jollibee sa Monumento ang grupo ni SPO3 Martinez bitbit ang warrant of arrest. Pagkakain at paglabas naman sa nasabing food chain ay dinamba na ang suspek.