Abante Tonite Interactive

Wanted sa 27 pagpatay, Hitman ng mga Politiko, Drug lord tinumba

304

Bumulagta ang isang lalaking diumano’y hitman ng mga lokal na politiko at drug lord matapos na manlaban sa ikinasang buy-bust operation laban sa kanya sa Brgy. Masaya, Bay, Laguna kahapon nang umaga.

Kinilala ang napatay na suspek na si Ruel de Chavez, tubong San Juan, Batangas at residente ng Brgy. Paciano Rizal sa bayan ng Bay.

Ayon sa ulat ng Bay Municipal Police Station, isinagawa ang buy-bust operation laban sa suspek dakong alas-otso nang umaga pero nauwi ito sa barilan nang manlaban si De Chavez na nagresulta sa agarang pagkamatay nito.

Natunugan umano ng suspek na awtoridad ang katransaksyon niya sa droga at matapos iabot ang isang sachet ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer ng droga ay bigla itong nagpaputok ng baril.

Gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang suspek.

Narekober sa suspek ang isang sachet ng shabu at baril nito na kalibre .45.

Ayon kay Laguna provincial police chief Sr. Supt. Eleazar Matta, sangkot umano ang suspek sa 27 kaso ng pagpatay sa Laguna at Batangas kung saan nakabase ang grupo nito.

May mga nakasampa na umanong kasong murder laban sa suspek at nagtatago ito sa bayan ng Bay matapos na tumakas sa dati nitong pinagtaguan sa Sariaya, Quezon.

Base umano sa COPLAN ‘Gunmetal’ ng Philippine National Police, miyembro ang suspek ng Batang Kubo/Bantugon group na sangkot sa mga gun-for-hire activity para sa mga politiko at drug lord sa mga lalawigan ng Batangas, Laguna at Quezon.