Abante Tonite Interactive

Wanted sa murder nasakote

353

Timbog sa pinagsanib na mga operatiba ng pulisya ang isang lalaking itinuturing na No. 4 most wanted person sa district level ng Eastern Police District dahil sa kasong murder, nitong Linggo ng umaga.

Nasakote ng mga tauhan ng Quezon City Police District-Batasan Station 6, Marikina City Police Station at Regional Intelligence Unit ang suspek na kinilalang si John Paul Cuario, 19-anyos.

Dakong alas-10:20 ng umaga nang maaresto si Cuario sa Sumapi Drive, Brgy. Commonwealth, Quezon City sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na inilabas ni Judge Lorna F. Castris-Chua Cheng ng Marikina Regional Trial Court Branch 168.

Wala nang nagawa pa ang suspek nang bitbitin ng mga pulis.
Nasa kustodiya na siya ngayon ng Marikina City Police Station at walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa kanyang pansamantalang paglaya. (Dolly Cabreza)