Abante Tonite Interactive

War on drugs aabot sa finish line – Palasyo

By ,
9

Kumpiyansa ang isang mataas na opisyal ng Palasyo ng Malacañang na aabot sa finish line ang kampanya kontra iligal na droga sa kabila ng mga kontro­bersiya at mga balakid na kinaharap nito.

Sinabi kahapon ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, umuusad naman ang kampanya sa iligal na droga kahit pa nailipat na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang solong pangangasiwa nito mula sa Philippine National­ Police (PNP).

Malaking bagay aniya na naipakita ni Pangulong Rodrigo Duterte kung gaano kalala ang illegal drug trade sa bansa at sa loob ng mahigit isang taon ay maraming naipakitang resulta tulad ng mahigit isang milyong sumukong drug addicts, nailantad din sa publiko ang mga heneral na sangkot sa droga at tinutugis na ang mga pulis na tinatawag na mga ‘ninja cop’.

“Sa tingin ko uusad naman ng tama. Marami naman tayong nakitang resulta dito, and of course may mga napatay dahil they resisted arrest.

Pero sa pangkalahatan, sa tingin po namin tagumpay ang digmaan sa droga,” pahayag ni Panelo.

Samantala, iniutos ni Justice Secretary Vitalian­o Aguirre II ang National Bureau of Investigation (NBI) na i-turn over sa PDEA ang lahat ng mga impormasyon sa kanilang anti-illegal drugs operations.

“The National Bureau of Investigation is hereby directed to leave to the PDEA all operations against illegal drugs.

All information/data shall forthwith be relayed, delivered or brought to the attention of the PDEA for its appropriate action,” nakasaad sa Department Order No. 670 na inisyu ni Aguirre.

Una nang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PNP, NBI, Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Customs (BOC) at iba pang ahensiya ng gobyerno na huminto na sa kanilang anti-illegal drug operations.

“The PNP shall at all times maintain police visibi­lity as a deterrent to illegal drug activities, leaving to the PDEA, however, the conduct of anti-illegal drug operations as aforestated,” nakasaad pa sa memo.