Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Warak

0 106

Katawa-tawa ang pagbalentong ng mga pahayag at sitwasyon at pagtimbuwang ng mga plano at pakana nina Pang. Duterte at kanyang mga alipores sa pagkakandarapa nilang puksain ang kumakalat na apoy na nilikha ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa multi-bilyong mga kontrata na ginawad ng Pangulo sa mumunti ngunit pinagpalang kumpanyang Pharmally Pharmaceutical na mahigpit na nakaugnay kay Michael Yang, ang negosyanteng Tsino na malapit sa kanya.

Isang halimbawa ng pagbalentong sa pahayag: nang unang inilathala ng Commission on Audit ang ulat nito na nagtampok sa mga pagkukulang ng Department of Health sa paggamit nito ng pondo sa kalagitnaan ng pandemya, tinangka ni Duterte manghimasok sa paggampan ng tungkulin ng COA alinsunod sa mandato ng Konstitusyon. “Stop that flagging, goddamnit. You make a report, do not flag. Do not publish it because it will condemn the agency or the person you are flagging,” Nagbanta pa na kung mahalal siya bilang Bise-Presidente sa 2022, magsasagawa siya ng sarili niyang audit sa COA. Hindi na kailangang sabihin na wala ito sa poder at mandato ng Bise-Presidente.

Ngunit mabilis pa sa alas kuwatrong nagbago ng tono si Duterte nang inakala niyang magagamit ang report ng COA kaugnay sa pondo ng Department of Budget and Management Procurement Service upang igiit na walang overpricing ng mga Personal Protective Equipment na binili ng gubyerno mula sa Pharmally. Malugod niyang winasiwas ang pahayag sa Kongreso ni COA chairperson Michael Aguinaldo na “Wala po sa COA report ng PS-DBM ang statement na may overpricing po.” Umabot pa sa punto na nagsusumamo na si Duterte kay Aguinaldo na maglunsad ng audit ng Philippine Red Cross, na pinamumunuan ni Sen. Dick Gordon, na nangunguna sa Blue Ribbon hearing. Mula sa pagbatikos sa COA tungo sa paggamit dito bilang sandata at panangga kontra sa mga itinuturing na kaaway ni Duterte.

Paglaanan din ng maraming tawa ang kasalukuyang kalagayan ng Kamara. Matatandaang ito ang nagbigay kay Department of Health Sec. Francisco Duque ng pagkakataong sambitin ang walang kamatayang mga salitang “Winarak na ninyo kami eh. Winarak na ninyo ang dangal ng DOH. Winarak ninyo ang lahat ng mga kasama ko dito.”

Sa sarili nitong pagdinig sa isyu, binigyan ng Kamara ng buong laya ang mga nagpalusot ng mga kontrata ng Pharmally, ang mga dating opisyal ng DBM-PS na sina Lloyd Cristopher Lao at Warren Liong, na ipaliwanag na wala umanong ni isang kusing ng anomalya at pawang ligal, dalisay, at busilak ang mga transaksyon na kinasangkutan ng Pharmally. Ngunit nagkagula-gulanit ang naratibo na metikolosong pinagtahi-tahi ng Kamara dahil sa pag-amin ng isang opisyal ng Pharmally sa hearing sa Senado na niloko nila ang gubyerno sa pamamagitan ng pagsupply ng mga expired na face shield. Lumitaw rin sa hearing na noong Marso 2020, bumili ang Pharmally ng 500,000 facemask mula sa ibang supplier sa presyong Php 18 ngunit binenta ito sa gubyerno sa halagang Php 27.72. Patunay ng walang pakundangang paghuthot ng tubo sa kalagitnaan ng lockdown. Sino ngayon ang warak?

Kung may Centennial Expo scam na nakaugnay kay Ramos, jueteng scandal si Erap, NBN-ZTE scandal si Arroyo, at DAP si Aquino, maihahanay na ang Pharmally scandal ni Duterte. Huli man at magaling, naihahabol din.

Leave A Reply

Your email address will not be published.