Abante Tonite Interactive

Wasak na puso

458

Ang sikat na Hollywood actress/singer na si Debbie Reynolds ay namatay isang araw makalipas na bawian din ng buhay ang kanyang anak na si Carrie Fisher.

Bilang isang nanay, napakasakit para sa kanya ang pagkawala ng kanyang anak na kilala bilang si Princess Leia sa pelikulang ‘Star Wars’.

“I miss her so much. I want to be with Carrie,” ang huling sinabi ni Debbie sa isa pa niyang anak na si Todd bago siya inatake sa puso at nasawi.

Parang ang hirap paniwalaan na may namamatay dahil sa ‘broken heart’. Ang masaklap, ang kadalasang naaapektuhan ng broken heart syndrome ay ang kababaihan.

Batay sa mga pag-aaral, mahigit sa 90% ng naitalang kaso ng Takotsubo cardiomyopathy ay nangyari sa kababaihang nasa pagitan ng edad na 58 hanggang 75. Ang kauna-una­hang naireport na kasong ganito ay sa isang Haponesa noon lamang 1990.

Ang matinding kalungkutan, stress dahil sa emotional trauma o nakakahindik na pangyayari sa buhay, at matinding sakit o aksidente ay maaaring maging dahilan ng Takotsubo o broken heart syndrome.

Ipinangalan ang kondisyon na ito sa panghuli ng pugita ng mga Hapon.

Sa broken heart syndrome, humihina ang muscles ng puso. Ang kaliwang bahagi nito na siyang panguna­hing naglalabas ng dugo mula sa puso patungo sa buong katawan ng tao ang nanghihina kapag sumasailalim sa isang stressful na pangyayari.

Kapag sobrang dami ng stress hormones at adrenaline na lu­malabas sa isang tao, naaapektuhan nito ang puso. Ang bumababang dami ng estrogen ng isang babae ay maaari ring makasama sa puso nito.

Ang pangunahing simtomas nito ay ang paninikip ng dibdib, kinakapos ang paghi­nga at mabilis na pintig ng puso.

Ayon sa mga cardiologists, ang resulta ng electrocardiogram (ECG), blood tests at simtomas ng broken heart syndrome ay katulad din sa nakikita sa mga heart attack patients. Ang kaibahan lang, bukas o maluwag ang daluyan ng dugo sa ugat sa puso ng inatake dahil sa broken heart. Sa tipikal na heart attack, barado ang daluyan ng dugo ng pas­yente. Mas mataas din ang tsansa ng pagga­ling ng mga tipikal na inatake sa puso kaysa sa may broken heart.

Blood thinners tulad ng ACE inhibitors at beta blockers ang ibinibigay sa may broken heart syndrome. Pinaiiwas din sila sa paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Huwag lunurin ang pagiging broken heart sa alak at pagkain.
Kumalma, humanap ng mga gawaing ikakasaya, at isipin ang iba pang taong nagmamahal at minamahal natin.

*Si Marou Pahatti-Sarne ay host ng health programs na Radyo Klinika at Kalusugang Kakabilib sa DWIZ 882 KHZ AM.