Abante Tonite Interactive

Wawalisin ang mga tiwali

By
3,452

Nakakawindang ang naging kaganapan sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Paano ba naman, kinudeta si House Speaker Pantaleon Alvarez at pinalitan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi nating nakakawindang dahil naagawan ng eksena ng kudeta ang SONA ng Pangulo.

Mas marami tuloy ang nagka-interes sa nangyaring pagpapalit ng liderato ng Kamara kesa sa SONA ng ­Pangulo. Hay naku, ang hiling na lang natin ay walang iba pang kahindik-hindik na pangyayari sa Kongreso ngayong nagpalit na sila ng pinuno.

***
Determinado si Chief Supt. Emmanuel Luis D. Licup na walisin ang mga tiwali at pasaway na pulis sa hanay ng kapulisan, partikular sa kanyang bakod sa Provincial Regional Office 4-B o Mimaropa.

Kaya sana’y magsilbing aral sa mga abusado at tiwaling pulis diyan ang sinapit ni PO3 Marco Hashim Alegre, na itinuturing na High Value Target level 2 sa Mindoro Occidental dahil sa pagkakasangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Napatay si Alegre matapos manlaban sa kanyang mga kabaro mula sa Counter Intelligence Task Group, Regional Intelligence Unit 4B, Intelligence group, at Philippine Drug Enforcement Drug Agency (PDEA) sa isang buy-bust ope­ration sa Cabrera St., Brgy. Marikit, Paluan, Occidental Mindoro noong Hulyo 2, 2018.

Ito ang patunay na walang sinasanto o pinipili ang liderato ni Gen. Licup sa paglipol sa masasamang binhi sa kanilang hanay. Sinayang ni Alegre ang pagkakataong ibinigay sa kanya ng PNP nang muli siyang makabalik sa serbisyo noong Mayo 27, 2018 matapos ma-dismiss dahil sa pagiging AWOL noong Agosto 16, 2016.

Nanlaban si Alegre nang akto na siyang aarestuhin matapos magbenta sa isang poseur buyer ng shabu sa halagang P1,000.

Ang ending? Ginantihan siya ng putok ng mismong mga kabaro niya na nagresulta sa kanyang kamatayan.

General Sir, may ilan pa pong natitirang latak na kakulay ni Alegre at sana’y matalupan agad ang mga ito at nang hindi na pamarisan pa ng iba na naghahangad na kumita at magkamal agad ng salapi sa iligal na paraan.

Magpatuloy po sana ang ginagawa ninyong internal cleansing para tuluyang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga Mamang Pulis na tulad ninyo.

At para sa inyong mga pasaway, hindi nagbibiro si General Licup. May oras po ang kanyang pagbibiro kaya huwag ninyong hintayin na mag-seryoso ang Mamang Pulis na ito.
Subukan lang ninyong gamitin sa kasamaan at iligal na gawain ang inyong uniporme at propesyon at alam na ninyo kung saan kayo pupulutin!