Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Weather-weather talaga

0 154

Sa mga tropapips nating pinanghihinaan ng loob dahil nabigo kahit sa pag-ibig, aba’y puwedeng humugot ng pampalakas ng loob sa nangyaring panalo ni dating senador Bongbong Marcos, at ng UP Fighting Maroons.

Kahit isports ang UAAP basketball, aba’y hindi pa rin naiwasan ng iba na haluan ito ng kulay pulitika dahil sa katatapos lang na eleksyon natin, kung saan hinihintay na lang ang opisyal na deklarasyon ng Comelec na si Marcos ang nanalong pangulo.

Kasi naman, nang araw na talunin ng UP squad sa finals ng UAAP 84 ang tropa ng Ateneo Blue Eagle, aba’y nasa Ateneo ang mga “kakampink” para sa kanilang “Pasasalamat” concert kahit na-oltas si VP Leni Robredo kay Marcos.

Dahil emosyonal ang mga kakampink sa pagkatalo, may mga pasaway na kurimaw tayong nagsasabing baka naambunan ng luha ang mga “Agila” kaya inalat at natalo sila sa tropang Maroons na “kakambal” ng kulay ng pula, na political color ni Marcos.

Parang na-Friday the 13th ang Ateneo dahil lamang ang Ateneo-59-56, na 50 seconds na lang sa 4th and last quarter. Ang kaso naka-3-points ang UP kaya nagtabla at nagkaroon ng overtime.

At sa huling 20 segundo sa overtime na 69-69 ang iskor, bola ng Ateneo pero hindi nila naipasok ang bola sa kanilang possession. Naagaw ng UP ang bola at naipasok uli sa 3-point na halos 2 segundo na lang ang natitira. And the rest is history na ika nga.

SM food to go Banner Ad

History talaga dahil 1986 pa huling nag-champion ang UP squad sa UAAP. Iyon ang taon na napatalsik sa Palasyo ang erpat ni Bongbong na si Marcos Sr. sa pamamagitan ng EDSA People Power revolt.

At ngayong nakabalik na sa kapangyarihan ang mga Marcos, nakabalik din ang UP Fighting Maroons sa UAAP. Ano raw kaya ang ibig sabihin nu’n?

Pero weather-weather talaga dahil noong nakaraang UAAP 82 (walang UAAP 83 dahil sa COVID pandemic), muntik na ring makapasok sa Finals ang UP. Pero naolats sila sa semifinals at naging third place lang.

Parang si Bongbong, naolats sa pagtakbong VP kay Leni noong 2016 elections. Iyong pala, ang pagkapangulo ang nakalaan sa kaniya.

But wait there’s more. Isa pang buwena at weather na rin ay itong si Leyte Rep. Martin Romualdez, na ilang beses nasiko-siko at naagawan ng kendi sa pagiging House Speaker sa nakaraang Kongreso.

Kumbaga sa tatlong magkakalaro, tanging sina Marinduque Rep. Lord Alan Velasco at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano lang ang nagtikiman ng kendi ng speakership, at di nila isinali si Romualdez. Ngayon, mukhang masosolo niya ang kendi dahil may mga astig siyang resbak. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Leave A Reply

Your email address will not be published.