Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Weather, weather

0 385

Noong mga nakaraang buwan, grabe ang init na naramdaman natin.

Ngayong Hunyo naman ay inanunsyo ng PAGASA ang opisyal na simula ng tag-ulan, buti na lang at may sariling weather and environmental reporting system ang lungsod ng Taguig na kayang magbigay ng pang-araw-araw na lagay ng panahon at marami pang impormasyon.

Isa sa mga bagong opisinang binuksan natin noon simula ng ating termino bilang punong lungsod ay ang Taguig Open Weather and Environmental Reporting System o TOWER System.

Ang TOWER System ay nagbibigay ng pinakabagong ulat sa panahon at detalyadong hazard assessment at response gamit ang Artificial Intelligence o AI. Sa pamamagitan ng AI, may kakayahan ang TOWER System na magbigay ng hourly, daily at weekly weather reports, flood at typhoon alerts at iba pang real-time na impormasyon.

Kumakalap din ang TOWER System ng karagdagang impormasyon tulad ng signal warnings, tindi ng init, water levels at tectonic plate movements mula sa mga ulat ng PAGASA at meteorological agencies ng Japan at New Zealand. Nakakonekta rin ang TOWER System sa higit 100 information stations na nakakalat sa lahat ng barangay sa lungsod.

Ang mga nasabing impormasyon ay ibinabalita ng resident meteorologist at weather specialists ng lungsod sa I Love Taguig Facebook page at sariling application nito.

Mayroon ding sariling website ang TOWER System sa https://tower-taguig.com kung saan makikita ang mga nasabing ulat panahon, kabilang ang weather updates at risk assessment sa bawat barangay sa Taguig.

Ngayong tumitindi ang epekto ng climate change sa ating araw-araw na gawain, importante para sa lokal na pamahalaan ng Taguig na maabisuhan agad ang mga negosyo, opisina, ahensya at mga mamamayan kung may paparating na bagyo, malakas na ulan o matinding init ng panahon.

Marami sa ating mga kababayan ang natutulungan dahil mayroong TOWER System ang lungsod. Nakakakuha ng tamang impormasyon at nakakapagpasiya nang maayos ang lokal na pamahalaan para sa posibleng evacuation dahil sa pagbaha, pagkansela ng klase o trabaho at pagbibigay babala sa mga posibleng danger areas sa bawat komunidad kapag may kalamidad.

Bukod dito, nakakatulong ang TOWER System sa mga field officers sa lungsod tulad ng mga traffic enforcers, barangay health workers at mga pulis dahil dito nila malalaman kung saang lugar magiging maulan o matindi ang init kapag sila ay umiikot sa iba’t ibang barangay.

Maayos din ang pagpaplano ng lokal na pamahalaan sa mga programa at proyekto nito tulad ng relief operations, outdoor activities at house-to-house visits gamit ang TOWER system. Bilang bike city, magagamit din ito ng lungsod para regular na abisuhan ang mga siklista at bike commuters tungkol sa lagay ng panahon sa lungsod.

Layunin din ng TOWER System na gabayan ang pribadong sektor. Makakatulong ito sa mga mall operators, private schools at hotels sa pagpaplano ng kanilang mga activities.

Bukod sa weather, earthquake detection at hazard warning, plano rin ng lokal na pamahalaan na ibsan ang mga epekto ng climate change at mga sakuna, at sumuporta sa programang pangkalusugan at imprastraktura sa lungsod sa tulong ng TOWER System.

Maaaring sa iba ay weather weather lang pero sa Taguig, naniniwala tayo na malaki ang epekto ng klima sa parehong pang-araw-araw nating gawain at sa pangmatagalang plano na paigtingin pa ang kaligtasan, seguridad at pagiging handa ng siyudad.

Leave A Reply

Your email address will not be published.