Abante Tonite Interactive

Welder tinarakan habang tumatagay

258

Sinaksak at napatay ng kapitbahay ang isang welder habang tumatagay sa labas ng kanilang tahanan sa Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ni Captain Juan B. Mortel ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang biktima na si Gilbert Cruda, 53-anyos at residente ng No. 23 Paquita St., Brgy. Gulod, Novaliches.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Christian Loyola, dakong alas-11:30 Sabado nang gabi, masayang nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang kaibigan na nakilalang si Oroy Garcia sa harap ng kanilang tahanan.

Habang tumatagay ang biktima ay bigla na lamang sumulpot ang kapitbahay na nakilalang si Jeric De Lima at sinaksak si Cruda sa dibdib.

Nang duguang bumagsak ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman si Cruda sa Novaliches District Hospital subalit binawian din ito ng buhay bandang ala-1:20 Linggo nang madaling-araw, ayon kay Dr. Richie Moratalia.

Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na krimen habang pinaghahanap pa ang nakatakas na suspek. (Dolly Cabreza)