Abante Tonite Interactive

WellMed owner tengga sa NBI, kaso isinumite na para sa resolusyon

290

Mananatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation(NBI) ang isa sa may-ari ng WellMed Dia­lysis and Laboratory Center na si Dr. Bria­n Sy na isinangkot sa “ghost” dialysis claims na binayaran ng Philippine Health Insu­rance Corp. (PhilHealth).

Ito ay matapos na ibasura ng Department of Justice (DOJ) at Manila regional trial court ang kanyang petisyon na mapalaya dahil sa ginawang pag-aresto ng NBI noong Lunes ng walang warrant mula sa korte.

Nabatid na sa ginanap na inquest proceedings sa DOJ sa kasong estafa at falsification of documents kamakalawa nang gabi, hiniling ng kanyang abogadong si Atty Rowell Ilagan na palayain si Sy dahil sa illegal arrest.

Iginiit ng abogado na hindi dapat inaresto si Sy sa ilalim ng warrantless arrest at hindi dapat ikonsidera bilang “continuing crime” na siyang basehan para sa pag-aresto ng walang warrant.

Gayunman, nabatid na ni-reject ni Senior Assistant State Prosecutor Anna Noreen Devanadera ang naging ruling ng Manila Regional Tria­l Court branch 20 kung saan tinanggihan ang petition for habeas corpus ni Sy.

“Resolving the motion of respondent Bryan Sy insofar as the validity of the warrantless arrest, we find that the court has already ruled upon its validity in its order dated June 11, 2019 on the petition for habeas corpus. Hence, this case is subject for inquest proceedings,” ayon kay Devanadera.

Sanhi nito, ipinasiya ng kampo ni Sy na huwag nang magsumite ng counter evidence dahilan para isumite na sa resolusyon ang reklamong isinampa ng NBI at PhilHealth para sa resolusyon. (Juliet de Loza-Cudia)