Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Whistleblower: Red Marinas utak ng `Pastillas’

0 120

Isang dating immigration officer ang lumutang sa Senado at direktang tinukoy si dating Bureau of Immigration (BI) Ports Operation Division Chief Marc Red Mariñas bilang pinuno ng kontroberisyal na “Pastillas” syndicate.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senadora Risa Hontiveros, lumutang si ex-BI immigration officer Jeffrey Dale Salameda Ignacio, 32, para ibunyag ang kanyang nalalaman sa sindikato kung saan dati siyang naging miyembro.

“Batay po sa aking personal na kaalaman at ito ay open secret na rin sa lahat ng miyembro ng Pastillas group, ang nagbabasbas, nagcocontrol ng Pastillas Scheme, at kumukubra ng maraming pera ay sina Sirs Marc Red Marinas (POD Chief noong time ng Pastillas),” pahayag ni Ignacio sa kanyang salaysay.

Bukod kay Marinas, kasama sa grupo sina Erwin Ortanez (overall travel central enforcement unit (TCEU) Head ng Terminal 1, 2 at 3), Glennford Comia (TCEU Head ng Terminal 1), Benlado Guevarra (TCEU Head ng Terminal 2), Denden Binsol (TCEU Head ng Terminal 3), Deon Carlo Albao (Deputy TCEU head ng Terminal 1), Arlan Mendoza (Deputy TCEU Head ng Terminal 2) at Anthony Lopez (Deputy TCEU head ng Terminal 3)..

Sabi pa ni Ignacio, ang mga supplier naman ng mga Chinese ay sina dating Comia, Albao, Magbuhos, Binsol at Robles.

“Kaya ko to alam kasi nautusan po ako noong nasa terminal 1 pa ako na ialphabetize ang pangalan, flight details at date of arrival ng mga pasaherong Chinese na nagbayad ng pastillas,” pahayag ni Ignacio.

“Finoforward po ang mga pangalan ng Chinese sa viber group na t1GY Dropbox Station at doon ko nakita ang mga code names ng mga suppliers/boss. Hindi naman po complicated ang code names, mga initial lang din po nila, halimbawa GC for Glenford Comia at TM for Totoy Magbuhos,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.