Abante Tonite Interactive

White lady sumingit sa salamin

481

MISTERYO

Mga ka-Misteryo, nakatiyempo na ba kayo na habang nasa harap kayo ng salamin ay biglang may sisingit na babaeng nakaputi.

Iyan ang ating paksa ngayon “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Nakagawian na na­ting manalamin sa tuwing magtutungo tayo ng cr para ayusin ang ating sa­rili pero ilan na ba sa atin ang nakaranas na may multong biglang lumilitaw sa ating tabi habang tayo ay nananalamin?

Ganyan ang kuwentong karanasan ni Jocelyn ng Pasay nang isang gabi na mag-cr siya sa katabing opisina ng kanilang kompanya.

Nakauwi na ang kanyang mga katrabaho ng gabing ‘yun at nag-overtime lamang siya kaya ginabi siya nang kaila­ngan niyang magtungo ng palikuran.

Nagmamadaling nag-cr si Jocelyn at hindi pa siya nakakapasok ay may kakaiba siyang naramdaman sa may pintuan pa lang ng palikuran.

Binalewala ni Jocelyn ang naramdaman dahil kailangan na niyang mag-cr kaya dumiretso siya sa loob.

Wala naman siyang naramdaman habang nasa loob ng cubicle kaya’t panatag ang kanyang loob na lumabas at nanalamin muna.

Habang inaayos ni Jocelyn ang kanyang sari­li nang biglang bumukas ang pintuan ng cr. Inisip niyang may work mate pa siyang pauwi pa lamang at gusto ring mag-cr.

Pero walang pumasok na kasamahan niya sa trabaho.
Ilang saglit may nakita siya sa salamin na nag­lalakad na babaeng nakaputi papasok ng cr. Sinundan pa niya ng tingin sa salamin at kitang-kita na ito ay pumasok sa isang cubicle.

Sa salaysay ni Jocelyn sa #TeamMisteryo hinintay niyang lumabas ng cubicle ang babaeng nakaputi.

Team Misteryo: “Nahintay mo bang lumabas ‘yung babaeng nakaputi?”
Jocelyn: “Hinintay ko talaga pero wala pang lumalabas kaya’t pinuntahan ko ‘yung cubicle na pinasukan niya.”

Team Misteryo: “Kinatok mo ba yung pintuan ng cubicle? May sumagot ba?
Jocelyn: “Oo kinatok ko pero walang sumagot sa akin. Medyo nangi­labot na ako kaya bigla akong lumayo sa cubicle at muling nanalamin.”

Team Misteryo: “Ano pa nangyari habang nasa harap ka ng salamin?”
Jocelyn: “Ayun big­lang litaw ng white lady sa salamin at nakatabi siya sa akin. Hindi ko makita ang mukha niya. Agad akong tumakbo at nagsisigaw palabas sa sobrang takot ko.”

***
Maaari ding mangyari sa iba ang karanasan ni Jocelyn kaya kung may katulad kayong karanasan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsiba­yan.com at Abante.com.ph.