Abante Tonite Interactive

White lady umangkas sa multicab

2,336

Nag-viral sa social media kahapon ang nakakatakot na karanasan ng isang grupo ng mga motorista tungkol sa isang white lady na nakita nilang nakasakay sa isang multicab habang bumibiyahe sa Old Zigzag Road sa Pagbilao, Quezon noong hatinggabi ng Martes.

Sa Facebook post na ini-upload ni Patricia Camille Alvarez, sakay sila ng kotse at binabaybay ang Old Zigzag Road na tinatawag ding ‘Bitukang Manok’ mag-aalas-12:00 ng hatinggabi noong Agosto 14, 2018.

Sa kuwento nito, naabutan umano nila sa itaas ng zigzag na highway ang sinusundan nilang multicab nang mapansin nila ang isang babae na nakaupo sa likuran na may mahabang buhok.

Bigla umano silang kinilabutan at kahit takot na takot ay kinu­nan nila ng video ang nauunang ­sasakyan sa kanila.

Pero sa sobrang takot ay mina­buti umano ng kasama nilang driver na bagalan na lang ang kanilang takbo at pinalayo ang sinusundang multicab hanggang sa maglaho na ito sa dilim.

Kilala ang Old Zigzag Road sa maraming kuwento ng kababalaghan dahil sa dami ng aksidente at naitatalang mga nasawi sa lugar na ito.