Abante Tonite
Mabilis sa Balita

White sand sa Manila Bay hind dapat ipahinto

0 176

Nais kong kunin ang pagkakataong ito para payapain ang isipan ng mga maaring naliligaw ng paniniwala sa gitna ng tila walang humpay na kampanya para siraan ang Manila Bay project o lumikha ng walang basehang takot sa puso at isipan ng publiko, na para bang hindi pa sapat ang takot na nararamdaman natin sa araw-aaw dahil sa pandemya.

Mabilis pa sa alas-kuwatrong nagsipag-sakayan sa isyu ang mga kritiko ng gobyerno at ang ilan sa kanila ay naging mga instant specialists at experts pa sa larangan ng white sand at dolomites, samantalang ang iba naman ay naging health experts din bigla, kung saan nakuha pa nilang magbabala sa anila ay mga panganib na dala ng white sand na ginamit sa Manila Bay project sa kalusugan at buhay nating lahat.

Una, ang implementasyon ng naturang proyekto ay hindi naman ngayon lamang ginawa o inisip. Nag-umpisa ito ilang buwan bago pa man ako maupo bilang alkalde ng lungsod noong 2019. Bahagi din ito ng 2020 budget na iprinisinta sa ating mga kagalang-galang na mababatas na, nakagugulat din na ilan sa kanila ngayon ay kumokontra na.

Mahalaga ring malaman na ang naturang proyekto ay hindi lamang nakatuon sa paglalagay ng white sand sa beach kungdi sa ‘total rehabilitation’ o pagsasaayos ng kabuuan ng Manila Bay. Hindi lamang sa bahagi ng Maynila kungdi maging ng mga iba pang lungsod, probinsiya at munisipalidad at higit sa lahat, kasama din sa proyekto ang paglalagay ng sewerage treatment plant.

Hindi ako nagbingi-bingihan sa mga bumabatikos at sa katunayan ay lumiham ako para kumuha ng ‘expert opinion’ mula mismo sa Department of Environment and Natural Resources at sa Department of Health ukol sa mga isyung sinasabi ng mga kritiko, partikular na ukol sa dolomites na diumano ay maaring makompromiso ang kaligtasan ng publiko.

Kapwa nagbigay ng scientific at research-based na kasagutan ang dalawang departamento kung saan maliwanag na napabulaanan ang bawat isyung ibinabato ng mga kritiko bilang walang basehan.

Sa katunayan, ang Department of Health (DOH) ay nagpalabas pa ng isang pahayag kung saan sinasabi nito na ang presensiya ng dolomites ay hindi maaring makasama sa anumang paraan sa kaligtasan ng publiko, kabaligtaran sa pinalulutang ng mga kontra sa proyekto.

Nilinaw din ng DOH na ang dolomite, sa bultong estado nito, ay hindi nagdadala ng panganib sa kalusugan. Ipinaliwanag din nito na kung ang dolomite ay nasa ‘dust form’ o parang alikabok, ito ang maaring magbunga ng sintomas gaya ng pananakit ng dibdib, hirap sa paghinga o pag-ubo dahil ito ang normal na reaksyon ng katawan sa mga irritants. Sa parte ng DENR, sinabi nito na ang dolomite material na ginagamit sa white beach ng Manila Bay project ay 2-5mm o 100 ulit na mas malaki sa alikabok kaya’t hindi ito maaring manatili sa ere o hangin. Bukod diyan, tiniyak din ng DENR na lahat ng occupational health and safety standards para sa mga trabahador at lahat ng hakbang para maiwasan ang pagkakaroon ng alikabok ay ipinatutupad.

Samakatwid, tinitiyak ng mga nasabing departamento na pagdating sa pangkalahatang kaligtasan ng publiko na magtutungo sa pampang kapag pupuwede na, inaasahan na hindi magkakaroon ng anumang di magandang pangyayari bulang resulta ng proyekto.

Sa akin namang opinyon, dapat nating pagkatiwalaan ang ating national government. Walang saysay isipin na ang DENR na siyang inatasan para pangalagaan ang ating kapaligiran, ay siyang mamumuno para sirain ito.

Sana lang, ‘’yung mga taong nais lang na tirahin ang gobyerno sa ilalim ng pagpapanggap na nagmamalasakit sila sa taga-Maynila ay tumigil na sa paggamit sa aming mga Manilenyo para sa pansarili nilang interes. ‘Wag kayong umaktong tila ‘knights in shining armour’ kung saan pinalalabas ninyo na nagmamalasakit kayo sa amin nang higit sa nagmamalasakit kami sa aming mga sarili.

Habang kami sa Maynila ay excited nang makinabang sa rehabilitasyon ng Manila Bay dahil walang gastos ang lungsod dito at inaasahang makatutulong ito sa paglikha ng mga trabaho, turismo at pagsigla ng mga negosyo, tinitiyak ko din na kami ay aaksyon sakaling mapatunayang nagkaroon ng paglabag sa environmental protection o mga batas na sa ngayon ay wala naman.

Dapat ay may sapat na dahilan para ihinto ang proyekto dahil hindi naman patas sa mga environmentalists na 20 taon nang ipinaglalaban ang malinis na Manila Bay kung ihihinto ito nang walang basehan.

Nariyan din ang pagtitiyak ng DENR na may sapat na engineering works at hakbang sa proyekto upang tiyakin na hindi basta aagusin ang white sand at protektado ito sakaling magkaroon ng bagyo o malalaking alon.

Kapuna-punang may dalawang taon na ang proyekto pero walang nag-ingay ukol dito. Ngayon, kung mararanasan natin ang mga narasanan ng ating mga lolo at lola na nag-enjoy nung mga panahong ang Manila Bay ay malinis pa, nalalanguyan at may mga isda, ito ay walang katapat na halaga.

Kung mayroon tayong magandang white sand beach sa gitna ng isang highly-urbanized city, ito ay magandang atraksyon para sa lungsod at mabuti para sa pagnenegosyo, paglikha ng trabaho at sa mga residente mismo ng lungsod.

Sa ngayon pa lang ay nagpupuntahan na ang mga tao sa nasabing lugar para kumuha ng mga litrato ng white sand gayung ito ay ginagawa pa lamang. Kapag natapos na, ito ay isang napakaganda at pang-mahabang panahong regalo para sa susunod na henerasyon at mga susunod din sa kanila.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.