Abante Tonite Interactive

Wikang malupit

0 288

Etneb, takwarents, gedli, wakali. Ilan lang ‘yan sa mga pinasikat na salita ni Yorme (Mayor) Isko Moreno ng Manila. Nakakatuwa at attractive lalo na sa kabataang mahilig sa mga salitang binaligtad at pinag­lalaruan. Hindi pa nga nakakalimutan ang lodi, pet­malu at werpa, may dagdag na!

Hindi nga ba at nauso rin ang text language o mga pina­igsing salita para mas mada­ling i-type sa mobile phone tulad ng d2 na me, wru, w8 lang, cu, at iba pa? Maraming mga nanay at tatay ang gigil na gi­gil noong una sa ganitong pamamaraan ng pag-text ng kabataan, pero kalaunan, maging sila ay gumagamit na rin ng mga shortened words na ito.

Ang wikang Filipino ay matagal nang bantad sa ganitong uri ng pagpapalit. Sa katunayan, maging sa Saligang Batas ay tinatanggap ang maaa­ring maging pagbabago ng porma ng wika habang tumatagal. Sa 1987 Constitution, Article 14 Section 6 nakasaad na: “As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.”

‘Yun nga lang, hindi pa rin ito maaaring gamitin sa mga opisyal na talastasan o tran­saksyon. Ang pormal at pambansang wikang Filipino, o kung hindi maisasalin ay diretsong English ang dapat na gamitin sa komunikasyon at pagtuturo, batay sa Article 14 Section 7 ng Saligang Batas. Tagalog na salita ang matibay na pinanggagalingan ng wikang Filipino, pero ito ay pluricentric o maraming pinagbatayan.

Gumawa ng software na spell checker ang Komisyon ng Wikang Filipino para magaba­yan ang mga Pinoy sa pormal na gamit nito.

Sa ngayon ay naipamahagi na ang spell checker sa mga government offices. Ang ope­rasyon nito ay parang Microsoft Word software. Inaalerto nito ang nagsusulat o nagta-type kung mali ang pagbaybay ng salitang Filipino. Ibinibigay ng spell checker ang tamang spelling ng salita.

Pero sa ordinaryong usapan, hindi na kailangan ang spell checker o grammar police. Ang wikang Filipino ay patuloy na nagbabago at nag-a-adjust naman ang lahat sa mga pagbabagong ito.

Noong 1970s hanggang 1980s, palasak ang mga salitang kalye tulad ng yosi (sigarilyo), syota (girlfriend o boyfriend), bagets (bagito o bata na pinauso ni Alona Alegre) at maging ang Japayuki — mga Pinay na nagtatrabaho sa Japan, na galing naman sa sali­tang karayuki-san o mga babaeng Hapon na ipinadala sa China para maging prostitute.

Ang gay lingo ay malaki rin ang kontribusyon sa lumala­gong salitang Filipino. Noong 1970s hanggang 1990s, ginamit ang salitang tsugi na ang ibig sabihin ay namatay. Nanggaling ito sa salitang tsuk o tsak na tunog ng pananaksak. Mayroon pang chipipay na galing sa salitang cheap o mura at thunders/tanders mula sa salitang matanda.

Maging ang mga pangalan ay ginawa na ring kahulugan ng mga salita: Chaka Khan – pangit; Indiana Jones – hindi sumipot; Tom Jones – gutom; Lucita Soriano – talo na, sorry pa; Luz Valdez – talo ang ganda; Cookie Chua – magluto; Carmi Martin – nakarma; Julie Yap Daza – nahuli/got caught; Gelli de Belen – selos; Janno Gibbs – magbigay; at Rica Peralejo – mayaman.
Nauso rin ang Pinoy slang o ibang kahulugan sa matagal nang salita tulad ng ahas na ang kahulugan ay traydor; ube o P100.00; berde o bastos; tukmol na ang ibig sabihin ay pa­ngit. Ang Pinoy slang ay binuhay rin ni Yorme Isko sa salitang haciendero (informal settlers o squatters) at spiderman o nag-i-illegal electricity connection.

Anumang pagbabago sa ating wikang Filipino, basta’t nagkakaintindihan, ayos lang. Nagpapakita lamang ito na ang wikang Filipino ay talagang buhay at makulay.