Abante Tonite Interactive

Wilfrido ‘Willie’ O. Marcial Kaibigan ng lahat

351

Ni Aivan Denzel Episcope

Sino’ng mag-aakalang ang dating scorer at statistician ang magiging isang ganap na komisyoner ng Philippine Basketball Association.

Ito naging guhit ng kapalaran ng 10th PBA commissioner na si Wilfrido ‘Willie’ Marcial – ang naging tagapamagitan at pinuno nang pinakamatagal na propesyonal na liga ng basketbol sa Asya at sa bansa.

Pero ni minsan ay ‘di man lang niya inakala at pinangarap ang mapupuntahan. Panahon pa ni late broadcaster Joe Cantada, na TV host, anchor at commentator noong 1980s sa mga laro, present na rin sa apat na sulok ng liga noon si Marcial.

Nagsimulang statistician noong 1984 sa yumao na at unang PBA commissioner Leo­poldo Prieto, floor director sa Vintage Television/Sports 1985, co-head statistician pagkaraan, bago na-appoint na league’s Media Bureau Chief and Special Assistant to the Commissioner ni Jose Emmanuel ‘Noli’ Eala taong 2003, mag-2018 OIC at komisyuner nitong Enero 2018 .

“’Di ko kasi talaga akalain eh. Wala tala­gang [plano]. Apat na commissioner na ang nagsabi sa akin kung gusto ko mag-PBA commissioner, sabi ko hindi. Wala akong balak.”

Pero dumating sa 58-anyos, tubong Batangas City, at ‘Kume’ kung tawagin ng malalapit niyang kaibigan. Sa dedikasyon at ginampanang buong katapatan sa bawat trabahong mapasukan ang susi para mailuklok siya bilang PBA boss—na pinanindigan naman, minahal, pinasalamatan at patuloy pa niyang minamahal.

“Isang karangalan at sabi nga ng lolo ko ay ‘once in a lifetime’ daw ‘yan,” dugtong niya. ‘Di basta-basta ang papel na ginagampanan ng isang komisyoner.”

Para maging isang leader-mana­ger ay kailangang balansehin at tingnan lahat ng aspeto o isyu sa paligid ng liga. ‘Di lang ang tamang pakikiharap at pakikipagrelasyon sa bawat manlalaro at team executives, may corporate social responsibility pa at dapat balansehin maging mga isyu ng sanctions gaya ng suspension at multa sa bawat lumalabag.

Bilang ama ng liga, ‘di lahat ay madali at maituturing na suwerte. Mahirap din aniya minsan ang tungkulin dito lalo na kung kaibigan ang kailangang ‘disiplinahin’. Gaya aniya kay Abueva na dahil sa tawag ng kanyang katungkulan, kailangang gampanan at panindigan lang niya ang tingin niyang tamang aksyon.

“Trabaho lang talaga. Katulad kay Calvin, malapit ako sa kanya e. Parang barkada ko ‘yun noon nang ‘di pa ako commissioner. Biglang paparatangan ko [ng indefinite suspension]. Eh magkakaibigan kami, ‘yun ang mahirap doon. Kaya nga sinasabi ko na sana maintindihan din nila kasi trabaho ko ito,” hirit niya.

Nasukat ang kakayahan ni Kume bilang isang PBA decision maker nang maluklok siya matapos magbitiw noong taong 2017 si Chito Narvasa kung saan naplantsa niya ang mga ‘gusot’ sa liga kaya nabansagan siyang ‘healing commissioner.’

Sa apat na dekada niya sa liga sa walong komisyoner na rin na mga nakadaupang-palad at nakatrabaho, pamilyar na siya sa likaw ng bituka rito. Mula operation, officiating, marketing, public relations and management, at iba pa, yakang-yaka.

Sa pagtatapos ng kanyang termino sa Enero 2021, mapagpakumbaba niyang tinugon: “Kung ano na lang ibigay sa atin sa ‘Taas’. Basta magtrabaho ka lang at maging honest ka lang sa trabaho, mahalin mo trabaho mo— ‘di ka mawawala.”

Sa politika? “Ay ayoko, ayoko. Sa commissioner set nga ang hirap na, politika pa kaya? Wala,” anang ‘approachable’ at ‘accommoda­ting’ na opisyal na para ring isang kaibigan ng lahat.

*****

Q&A

TONITE: Ano nga ba ang papel ng isang commissioner?
Marcial: Ang main talaga ‘yung paglalaro. Pero titingnan mo lahat ‘yung ‘di lang sa games, titingnan mo rin ‘yung nangyayari sa labas ng players­ mo. ‘Yung marketing. Babalansehin at aalagaan mo kasi ilang milyon ‘yang investment na ‘yan. Maraming aspeto.

TONITE: Best at challenging experience bilang commissioner sa dalawang taon?

Marcial: Best? Ayun, na ginawa at kinuha nila ako bilang commissioner. Isang karangalan na napunta ako rito. Challengin­g. ‘Pag may problema. ‘Pag mayroong masamang tawag o kaya may (kontrobersyang) nangyari. Tulad sa mga player, iyong mga napaaway sa fans, isang halimbawa iyong kay Calvin Abueva.

TONITE: Advantage at disadvantages?

Marcial: Ang advantage natin doon is kaibigan natin lahat. Kaibigan natin ‘yung ball boys, players. Ang disadvantage is kaibigan natin sila. Parang ikaw magkaibigan tayo, ‘di ba ang hirap na parusahan ka? Ayun ang disadvantage.”