Abante Tonite Interactive

Willie bumagsak sa online show

1,180

Kailangan makipagsabayan ni Willie Revillame sa takbo ng panahon. Inabutan siya ng enhanced community quarantine sa beach house niya sa Puerto Galera.

Si Willie ang klase ng taong hindi makapapayag na wala siyang gawin lalo na sa ganitong mapaghamong panahon. Sa pamamagitan ng FB Live at YouTube ay nakapagso-show pa rin siya.

Patuloy pa rin ang kanyang pagpapasaya at pagtulong sa ating mga kababayan, kung ano ang lugar na kaya niyang abutin, pinupuntahan ng kanyang production team.

Kaya lang ay hindi kasinglinaw at kasinglakas ang kanyang pagsahimpapawid na tulad ng sa studio. Madalas na nagha-hang ang show niya sa isla, choppy-choppy ang dating sa manonood, hindi napaghandaan ni Willie ang ganitong pagkakataon.

Wala naman kasing nakakaalam na darating ang ganitong lockdown, lahat tayo ay nasorpresa, naiwang nakanganga.

Kaya niyang kumpletohin ang mga gadgets na kailangan para sa isang remote coverage, makasama lang ang kanyang mga tagasuporta, pero tulad ng lahat ay hindi niya alam na may ganitong mangyayari.

Ang mahalaga ay marami siyang natutulungan sa Mindoro, sa munti niyang kakayahan habang nakapailalim tayo sa lockdown ay nagagawa pa rin niyang makabuluhan ang panahon niya sa isla, ‘yun ang kanaturalan ni Willie.

Sariling buhay nakasalang sa peligro

Maraming kababayan natin ang unti-unti nang bumibitiw sa pag-asang magiging mabilisan ang itinakdang lockdown ng ating pamahalaan.

Nakakadalawang linggo pa lang ang ECQ ay napapanood na natin sa news ang mga kababayan nating nagrereklamo-sumisigaw dahil hindi na nila alam ang gagawin kung magkakaroon pa ng ekstensiyon ang sitwasyon natin ngayon.

Hindi simple ang pinagdadaanan ng ating mga kapwa Pinoy, lalo na ang mga arawan lang ang sahod, pero pinatigil pa sa pagtatrabaho. Hindi nga naman nila puwedeng ikatwiran sa kanilang mga anak na saka na lang sila kakain kapag tapos na ang lockdown.

Walang batas ang bitukang gutom. Walang pinakikinggang katwiran ang tenga kapag panay-panay na ang pagkalam ng sikmura.

Meron namang ayuda ang kanilang mga kumunidad pero hindi sila sanay sa rasyon, ang gusto nila’y makapamuhay pa rin nang normal, kahit kapos na kapos sila sa buhay.

Malakas ang ikot ng balita na ang lockdown ay hindi magtatapos sa April 14, dalawang buwan pa diumano ang kailangan nating tiisin, hanggang sa ang mapamuksang salot ay mapatumba na natin.

Kung ang wala pang isang buwan na lockdown ay nagpapakita na ng ganito kanegatibong epekto sa mayorya ay paano pa kung magtatagal ang ECQ nang mahaba-haba pang panahon?

Pero kailangan nating sundin ang patakaran para makapagligtas ng buhay ng ating kapwa. Sariling buhay rin natin ang nakasalang sa peligro, maaaring isa tayo sa mga maging biktima, kaya haba ng pisi ng pang-unawa at pasensiya ang kailangan nating pairalin ngayon.

Madali lang sabihin, pero mahirap gawin, pero ‘yun talaga ang kailangan.

Sylvia ligtas na sa COVID

Salamat dahil tulad nina Christopher de Leon at Iza Calzado ay ligtas na sa peligro ang mag-asawang Art Atayde at Sylvia Sanchez.

Mapaghimala talaga ang mga panalangin. Malaking-malaki ang naitutulong ng happy hormones na kailangan nating sakyan sa panahon ng mapaghamong sitwasyon.

Kailangang maging masaya pa rin tayo kahit pa hindi natin alam kung ano ang nakatakdang magaganap kinabukasan. Sabi nga ng isang kaibigan naming doktor, ang pagiging masaya palagi ay higit pa sa maibibigay na lakas sa atin ng mga bitamina, kaya happy hormones day lang palagi tayo.

Tonite – Wendys Inhouse Ad