Abante Tonite Interactive

Willie lockdown sa Puerto Galera

1,389

Sa kanyang beach house sa Puerto Galera inabutan ng enhanced community quarantine si Willie Revillame at ang marami niyang staff.

Puro replay muna ang ipinalalabas ng Wowowin, masakit man sa loob ng TV host na hindi makasalamuha ang kanyang mga tagasuporta ay wala siyang pamimilian, kailangan niyang sumunod sa mga payo ng DOH.

Mahalaga ang social distancing, ilang daan ang audience ng kanyang game show, mula sila sa iba’t ibang lugar na magdedelikado ang buhay kapag nag-live pa rin si Willie.

At dahil sa mas pinatibay na mga alituntunin ng ating pamahalaan ay wala na ring makatatawid mula sa probinsiya papuntang Quezon City, mahigpit ang mga otoridad, para sa kaligtasan ng ating mga kababayan sa mapamuksang COVID-19.

Malayo man si Willie ay regular pa rin namin siyang nakakabalitaan, matindi ang kanyang pag-aalala, lalo na’t palagi siyang nakatutok sa news tungkol sa nagaganap sa ating bayan.

Walang ligtas sa mga panahong ito, wala ring pinipiling lugar at estado sa buhay ang coronavirus, kaya doble ang pag-iingat nila sa Puerto Galera.

Sabi ni Willie, “Heto, nandito lang kami, nagdarasal nang mataimtim na sana’y matapos na ang pinagdadadanan natin. Okey kami dito, pero siyempre, inaalala ko ang mga kababayan nating kulang sa paraan para makaiwas sa sakit.

“Madali lang kasing sabihin at pakinggan ang mga ipinagbabawal, pero siyempre, maiisip din natin ang mga kababayan nating kapos na kapos sa buhay. Kasama sa labang ito ang meron sa walang dudukutin.

“Kaya nga ang palagi kong dasal, Lord Jesus, parang awa N’yo na po sa mga anak N’yo,pakitanggal na po ang virus na ito. In Jesus name.

“Nakakalungkot. Hindi tayo sanay sa buhay na ganito,” emosyonal na pahayag ni Willie.

Mangangalakal mas matindi sa coronavirus ang buhay na pinagdadaanan

Tama ang punto ni Willie Revillame, may mga kakilala kami na inuuna muna ang panglaman sa kanilang bituka bago bumili ng alcohol, sabon na tinitipid lang ng buong pamilya ang armas nila sa COVID-19.

Wala nang trabaho ang padre de pamilya na arawan lang ang suweldo. Pinagkakasya lang nila ang kanilang kinikita sa maghapon. Wala silang ipon.

Uunahin pa ba nila ang panghugas sa kamay kesa sa kumakalam nilang sikmura? Napakasuwerte talaga ng mga may dudukutin anumang oras. Hindi nakakatakot para sa kanila ang ganitong klase ng indulto na kung hanggang kailan magtatagal ay tanging Diyos lamang ang nakakaalam.

Kuwento ng isang kaibigan namin, “May mga nakatira sa estero na malapit lang dito sa amin. Nangangalakal ang mag-asawa, namumulot sila ng mga basura, ‘yun ang ikinabubuhay nila.

“Habang napapraning na ang lahat dahil sa COVID-19, pinagmasdan ko sila isang araw. Nakatira sila sa barong-barong, marumi ang paligid nila, pero ang liliksi ng mga anak nila!

“Ni sign ng lagnat, e, wala, kapos na kapos sila sa buhay, pero parang hindi sila natatakot sa corona virus! Wala silang face mask, hindi rin sila naghuhugas ng alcohol, pagkain lang talaga ang kulang sa kanila.

“Immune na kasi sila sa dumi, baka nga mas matindi pa sa coronavirus ang buhay na pinagdadaanan nila everyday! Matindi ang anti-bodies nila, sanay na sanay na sila sa ganitong laban!

“Of course, sinusunod natin ang mga payo ng DOH, ayaw nating magkaroon ng virus, pero paano nga ba natin mai-explain ang ganu’ng scenario na ni hindi nila ino-observe ang social distancing, ang community quarantine, pero malalakas ang katawan nila!

“‘Yun ang madalas gumugulo sa isip ko ngayon. Higit kailanman, e, ngayon ko pinaniniwalaan ang kasabihan na if it’s your time to go, you’ll gonna go!” komento ng kaibigan naming manunulat.