Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Willie nangangamoy babu sa Wowowin

0 318

Tila nagpapahiwatig na ng pamamaalam si Willie Revillame sa episode ng Wowowin last Thursday. Seryoso ang TV host nang kanyang ianunsyo na isang malaking desisyon ang kanyang gagawin sa mga susunod na araw.

“Sa tamang panahon, sasabihin ko ho ‘yung magiging desisyon ko at sasabihin ko ho dito sa programang ito,” ang simula ni Willie.

Bagama’t hindi niya tinutukoy kung ano ito, sinabi niyang mabigat na desisyon ang kanyang gagawin na tila ang magiging bunga ay ang pagkawala niya sa show at aniya ay ipagdadasal niya itong mabuti.

“Mawala man ako, gusto ko, meron pa ring isang host na makakausap n’yo. Kung sakali hong ang maging desisyon ko sa buhay ko eh mabigat. Ipagdadasal ko itong mabuti, pag-iisipan ko itong mabuti,” aniya.

Ang pakiusap lang daw niya ay sana raw ay magtuloy-tuloy pa rin ang Wowowin anuman ang maging desisyon niya.

“Dahil ang ganitong programa, hindi dapat nawawala. Itong programang ito, dapat laging ‘andiyan. Mawala man ako sa mundo, sana meron pa ring Wowowin.

“Kasi ho, itong programang ito, walang halong pagdadamot, walang halong pagkukunwari. Galing po lahat sa puso ang pagbibigay ng saya at tulong dito,” patuloy niya.

Pero dumarating daw talaga minsan sa buhay ng tao na kailangang magdesisyon. At sa ngayon ay talagang pinag-iisipan pa raw niya.

“Sa tamang panahon, sa tamang oras ho, sasabihin ko ho kung ano ang magiging desisyon ko sa buhay ko. Iniisip ko lahat. Sa bawat makasama ko sa industriyang ito.

“Bago ako magdesisyon sa buhay ko, kayo ang makakaalam, walang iba. Dito sa programang ito, malalaman n’yo kung ang magiging desisyon ko,” sey niya.

Hindi namin alam kung may kinalaman ang kalusugan niya pero sinabi rin ng TV host na bago siya mag-show nang araw na ‘yun ay wala siyang boses.

“Sa totoo lang ho, kanina, wala akong boses. Talagang totally, wala paggising ko. Kaya hindi ako nagsasalita. Dito lang ako nagsalita. Pagpasok ko, thank you, Lord, may boses ulit ako,” sabi ni Willie.

Nalungkot naman ang mga netizen at televiewers sa tila pamamaalam ni Willie.Pero, marami rin naman ang nagsabing susuportahan nila ang TV host anuman ang maging desisyon nito.

May nagtanong naman kung pahiwatig na ba ito na papasok na talaga sa politika si Willie since matatandaang mismong si Presidente Rodrigo Duterte ang nag-aalok sa kanya na tumakbo sa Senado.

Sa comment section ay marami ring pabor na tumakbo si Willie para mas marami pa itong matulungan.

Well, abangan natin kung ano ba talaga ang mabigat na desisyong gagawin ni Kuya Wil.

Vice nahiya kay Bea

Ayon kay Ogie Diaz, nahihiya raw si Vice Ganda kay Bea Alonzo. Ito’y dahil sa fake news na kumalat na diumano ay tweet daw ng Unkabogable Star na tila pinariringan ang aktres.

Ang sinasabing tweet umano ni Vice ay “ang kapal ng mukha ng mga taong nagsasabing nauubos na ang mga Kapamilya Artist. Kung dyan kayo Masaya, bahala kayo basta sinabi ko na dati pa, wala kayong future dyan sa Kabila. Charot!”

Sinasabing binura lang daw ni Vice ang tweet na ito pero mariin niyang pinabulaanan na nagpost siya ng ganun’g mensahe.

“Nakausap ko po si Vice earlier, tinanong ko ito kung totoo ba niyang sinabi ‘yun at ang sabi niya sa akin, ‘naku mama, isang malaking fake news ‘yan!’” kwento ni Ogie sa vlog nila ni Mama Loi.

“Sabi niya, ‘nahihiya tuloy ako kay Bea, eh kaibigan ko si Bea.’ Sabi ni Vice Ganda sa akin,” dagdag pa ni Ogie.

Maging si Ogie ay hindi naniniwalang masasabi ito ni Vice dahil ingat na ingat nga raw ito sa pagko-comment since alam niyang maba-bash siya.

“Alam mo, ingat na ingat si Vice Ganda diyan, sa totoo lang ha? Ayaw na ni Vice ng mga basher, eh kaya iniiwasan niya ‘yung mga ganyan,” sey ni Ogie.

Kung paanong nangyaring nai-tweet ito ni Vice sa kanyang verified account, ayon kay Ogie ay maaring edited ito at pinalabas na ang komedyante ang nag-tweet.

“Fake rin ang paggawa ng tweet na ‘yun ni Vice. Screengrab. Para mas maniwala ang mga tao,” sey ni Ogie.

Leave A Reply

Your email address will not be published.