Abante Tonite Interactive

Willie patas lang sa San Miguel, TNT

333

Walang pinapanigan ang Office of the PBA Commissioner alinman sa nagsasagupa sa best-of-seven Finals San Miguel Beer at TNT.

Ito ang sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial sa Abante TONITE hinggil sa matinding kiskisan at malalim na patutsadahan ng mga manlalaro ng Beermen at KaTropa, lalo na si Best Import Terrence Jones.

“Bawat technical, may sure fine iyan na P1,000 after the game at doon sa mga nangyayaring situwasyon, we are closely monitoring every game and we make sure na magiging maayos ang officiating at makokontrol ang mga manlalaro. Iba kasi talaga ang championships lalo ngayon na magaga­ling ang mga import,” esplika ni Marcial.

Isa sa mga situwasyon na muntik magkasalpukan ang dalawang koponan ay nang bigyan ni San Miguel Beer forward Arwind Santos ng hard foul si Jones na kung saan nagkasinghalan ang dalawang basketbolista.

“Both were given technical foul. Wala naman fighting stance but tinawagan ng referee ang dalawa for taunting,” sabi ni Marcial, na siniguro na mas lalong magiging mahigpit ang liga sa susunod na matira-matibay na tatlong laro.

“Nagsigawan lang,” sabi naman ni Santos matapos magwagi ng Beer para itabla ang serye sa tigalawang panalo. “Pinaamoy lang n’ya ‘yung hininga n’ya. Amoy Amerikano. Amoy burger. Sanay na ako. Ganun lang talaga kapag nagkakainitan na.”

“Gulatan lang naman kung sino masisindak. Part lang ng game ‘yun. Kaya lang, mas malakas siyang bumuga sa akin, in fairness,” dugtong ni Santos, na maaalalang sinakal noon ni dating teammate, import Renaldo Balkman sa isa sa mga pinakamainit na tagpo sa kasaysayan ng liga.

‘Di lang naman si Santos ang nakainitan ni Jones kundi pati na rin sina Chris Ross, Christian Standhardinger at Kelly Nabong. (Lito Oredo)