Abante Tonite Interactive

Willie pinasundo si Kris sa Boracay

1,126

Sa mga ganitong panahon ng indulto mo masusukat-makikilatis kung sinu-sino ang mga nagmamahal at nagmamalasakit sa iyo.

Aligaga ang buong mundo dahil sa COVID-19, laganap ang tensiyon at pag-aalala, para sa ating kaligtasan. Pero may mga tao pa ring nakapaglalaan ng panahon para sa kapakanan ng mga taong mahalaga sa kanila at pinahahalagahan at minamahal din sila.

Si Willie Revillame ay nasa kanyang beach house sa Puerto Galera. Maayos ang kanyang kalagayan du’n, iilan lang silang magkakasama ng kanyang mga staff sa Wowowin, si Kris Aquino lang ang nadagdag nang ipasundo niya ang mag-iina mula sa Boracay.

Palaging nakakaalala si Willie, tsinetsek niya ang aming pamilya, huwag daw kaming magpapabaya at manatili na lang sa bahay para ligtas kami sa virus.

Si Col. Jude Estrada ay walang pagbabago mula nu’n hanggang ngayon. Umulan nga lang nang malakas sa San Juan ay agad na siyang nakatawag, na para bang kapag umuulan sa kanila ay ganu’n din sa aming lugar, ganu’n siya katutok sa aming kaligtasan.

Paano mo naman hindi mamahalin ang tulad niya na humawak na ng pinakamataas na posisyon ang kanyang ama sa ating bayan ay hindi pa rin pinagbabago ng yaman at kapangyarihan?

“Huwag na kayong lalabas ng bahay. Tiis-tiis lang muna, alam kong hindi ka sanay sa ganitong sitwasyon,” paalala ng bunsong anak ng pangulo.

At si Alden Richards, ilang beses na niya kaming pinadadalhan ng mga mensaheng may kakambal na pag-aalala at pag-asa. Madasalin si Alden, walang pinipiling panahon ang pagtawag niya sa Diyos, ipinagdarasal niya ang buong mundo lalo na ang ating bayan sa sitwasyong ganito.

Kung tutuusin ay madali namang unawain kundi man makaalala si Alden, panahon ito ng pagbawi niya sa tulog at pahinga, dahil ‘yun ang palaging ipinagdadamot sa kanya mula nang sumikat siya nang labis pa sa kanyang inaasahan.

Pero meron siyang panahong nakalaan sa pangungumusta, masarap namnamin ang kanyang mensahe, dahil alam mong galing ‘yun sa puso ng isang taong marunong magpahalaga at makaalala.

Si Arnold Clavio, si Igan, ay nagpapaalala rin na palagi kaming uminom, huwag daw naming pababayaang matuyo ang aming lalamunan, malaking tulong daw ‘yun sa pag-iwas sa virus.

Si Ogie Diaz, ang anak-anakan naming sobra rin ang pag-aalala sa kanyang pamilya ay laging nakatutok, hindi siya nakalilimot sa pagtawid ng mensaheng punumpuno ng pagmamahal.

At si Manay Lolit Solis na buryong na buryong na sa kanilang bahay, naubos na yata niya ang lahat ng tapes ng mga paborito niyang Korean movies at serye, kating-kati na ang kanyang mga paa sa paglabas.

“Nakakaloka ang ganito, ha? Napanood ko nang lahat ng mga Korean movies, pero hanggang April pa ang hihintayin natin!

“Hindi ako sanay sa ganito! Nakakainip! Pero mga senior citizen na tayo, kailangan nating mag-ingat! Tiis-tiis lang muna, hanggang sa mawala na ang eksenadorang virus na ito!” birong-totoo ng mahal naming kaibigan-kasama sa hanapbuhay.

Ang mga anak-anakan din naming doctor ay nakasisingit sa pagte-text kahit pa halos wala na silang pahinga at sariling oras dahil sa COVID-19.

Panay-panay ang pagpapaalala sa amin ni Dr. Mayette Olaivar, ng magkapatid na sina Dr. Enrico at Dennis Sta. Ana ng Marikina Valley Medical Center at Diliman Doctors Hospital, dobleng ingat daw kami at kapag meron kaming naramdamang kakaiba ay agad na kaming tumawag sa kanila.

Sa mga ganu’ng mensahe ng pagmamahal at pag-aalala, di ba naman pakiramdam mo’y ligtas na ligtas ka na, maraming-maraming salamat.