Abante Tonite Interactive

Wilson pinugutan ang Tamawars

348

Sa matalas na mga kamay ni John Wilson na gumapas ng 16 points, tinagpas ng San Juan Knights Go For Gold ang Mindoro Tamaraws, 114-68, sa eliminations Biyernes ng hapon at sementuhan ang North Division top spot ng Chooks-to-Go MPBL Lakan Cup 2019-2020 sa Bahayang Pag-Asa Gym sa Valenzuela.

Kinumpleto ng ex-pro ang matingkad niyang araw sa pagkalawit pa ng 6 rebound at 6 assist para sa kambal na ragasa at ipakubra sa defending champion ang overall 26-4 win-loss record, tinaboy ang biktima sa third straight slide at mabaon sa South Division ninth spot sa 9-20 mark.

Umagapay kay Wilson sina Larry Rodriguez ng 13 marker at 9 board, Joseph Ubalde naman ng 12 at 9 marker, at Andoy Estrella at Jhonard Clarito na nakatig-11 puntos.

“Hindi lang kami tu­mingin sa standings. Ginawa lang namin iyong sistema namin kaya kami nandito sa number one,” ani San Juan coach Randy Alcantara, na agad napakontrol sa kanyang mga alagad ang labanan sa 37-15 lead sa first quarter tapos maghabol lang sa dalawang puntos na pagkaiwan.

Ang trey ni Orlan Wamar ang nagpalayo pa nang todo sa Knights na dumistansiya nang hanggang 46 na puntos kaya walang nagawa ang 17 pts. ni Rodel Vaygan upang isalba sana ang Tams

Ang iskor:
San Juan-Go for Gold 114 – Wilson 16, Rodriguez 13, Ubalde 12, Estrella 11, Clarito 11, Ayonayon 10, Gabawan 8, Victoria 7, Wamar 6, Aquino 6, Tajonera 5, Marquez 4, Pelayo 3, Buñag 2, Bonifacio 0.

Mindoro-JAC Liner 68 – Vaygan 17, Baracael 15, Abanes 14, Osicos 5, Mandreza 4, Acedillo 4, Axalan 4, Bangeles 2, Alulod 1, Astrero 1.

Quarters: 37-15, 70-33, 90-48, 114-68. (Aivan Episcope)