Abante Tonite Interactive

Wilson, San Juan susulitin ang home court advantage

329

Ituturing na do-or-die game ng San Juan Knights ang kanilang Game 4 match-up kontra sa Davao Occidental Tigers sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup National Finals ngayon, alas-7 ng gabi, sa kanilang balwarte sa Filoil Flying V Center.

Sasandigan ng Knights ang ilang mga dating PBA cager na sina John Wilson, Larry Rodriguez at Macmac Cardona para tanghalin ng kampeon sa naturang liga.

“Sinasabi namin sa kanila palagi na kailangan dito pa lang, tapusin na natin,” ayon kay deputy coach Yong Garcia na pansamantalang humalili kay head mentor Randy Alcantara na naospital dahil sa hypertension.

Ngunit maliban sa mga lider ng San Juan, inaasahan din ng coach na magpakitang-gilas ang ilan sa mga role player ng koponan na hindi masyadong napapansin ang laro ngunit malaki ang naitutulong tulad nina Mike Ayonayon at Jhonard Clarito.

“Nandyan lang sila and expected na yung defense ng Davao sa kanila naka-focus so may-chance sila na ma-stop. Pero yung second group should step up and gawin yung role nila,” aniya pa.

Hindi naman magpapatalo ang top seed Davao, susubukan na maipwersa ang rubbermatch game sa pangunguna ng dati ring pro na si Mark Yee, katuwang ang ilan pang ex-PBA player na sina Bonbon Custodio at Leo Najorda. (RMP)