Abante Tonite Interactive

Win sa DepEd: Itaas ang kalidad ng edukasyon

279

Hindi na nakakapagtaka ang resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment o PISA na isinagawa ng Orga­nisation for Economic Cooperation and Deve­lopment (OECD), kung saan kulelat ang Pilipinas pagdating sa Rea­ding Comprehension, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sabi ng senador, hindi nagkakalayo ang mababang resulta ng naturang pag-aaral sa mababang puntos na nakuha ng mga estud­yante, lalo na ‘yung mga nasa Grade 6, sa National Achievement Test (NAT) na isinasagawa ng Department of Education (DepEd).

Sa resulta ng NAT noong 2018, ang national average mean percentage score o MPS ng mga nasa Grade 6 ay bumaba sa tatlong magkakasunod na taon.

Ito ang naitalang pinakamahinang performance sa kasaysa­yan ng ‘standar­dized examination’ ng DepEd.

Dahil sa problemang ito, naniniwala si Gatchalian na kailangan ang agarang aksyon upang itaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa at idiniin niya ang suporta sa DepEd na iba­ling ang programa nito.

Kung dati’y hangad lamang ng kagawaran na bigyan ng ‘access’ sa edukasyon ang lahat, ngayon aniya’y dapat na gawing dekalidad ang edukasyong ibibi­gay sa mga mag-aaral.

Sabi ng senador, matutulungan din ng naturang programa ang problema sa kakulangan ng kagamitan sa pagtuturo at mahinang kapasidad ng ilang mga guro, bagay na magpapalakas sa curriculum ng Basic Education.

“Bagama’t inaasahan natin ang mababang marka sa pag-aaral na ito, magsisilbi itong gabay upang ia­ngat ang kalidad ng edukasyon sa bansa,” sabi ni gatchalian.

Aniya, kung gagamitin natin ang datos at mga rekomendasyon sa pag-aaral na ito, mas mauunawaan natin kung ano ba ang mga suliranin sa ating sistema ng edukasyon at kung paano ba natin iaangat ang kalidad nito. (Dindo Mati­ning)