Abante Tonite Interactive

Wise pa bang bumili ng condo unit?

0 266

Kung may milyones ako sa bangko, magdadalawang-isip na akong bumili ng condominium unit sa Metro Manila matapos ang serye ng paglindol sa Mindanao kung saan nasira ang maraming gusali, kabilang na ang mga condo na pinagawa ng mga kilalang developer sa bansa.

Magnitude 6.6 ang pinakamalakas na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao pero pinaluhod nito ang landmark hotel sa Kidapawan City. May mga nasira ring condo sa Davao City na nahagip din ng malakas na lindol. Ang developer ng nasirang condo sa Mindanao, marami ring pinagawa sa Metro Manila.

Matagal nang binabala ng mga eksperto na hinog na ang ‘Big One’ na lindol sa Metro Manila. Ibig sabihin, mula ngayon hanggang 200 pang taon ay maaaring tumama ang pinangangambahang lindol. Sa pagtaya ng mga eksperto, 7.2 magnitude ang tatama sa Metro at ikamamatay ito ng higit sa 31,000 katao.

Sa kabila ng pa­ngambang ito, kaliwa’t kanan ang mga pinapatayong condo. Kung dati ay mga overseas Filipino worker (OFW) ang target ng mga developer, lumawak na ito dahil sa pagyabong ng BPOs. Nakadagdag pa sa demand ang pagdagsa ng mga Chinese sa bansa na kumikita ng mas malaki sa mga pinapasukang POGO.

Sa mga gustong makaiwas sa trapik sa Metro Manila, swak ang pagbili ng condo unit. ‘Yung mga gustong magpasikat at walang magawa sa pera, walang makapipigil sa kanilang trip. Pero sa mga wais gumamit ng pera, tingin ko nagdadalawang-isip na sila sa pagbili ng condo.

Una, wala ka namang makukuhang land title sa pagbili ng condo kundi airspace lamang. Parang kotse rin ang condo na hindi tumataas ang value bagkus ay nagde-depreciate. Ang binili mong P5 milyong condo, kaparehas pa rin ba ang halaga makalipas ang 20 taon?

Pero ang lupa, para siyang ginto na tumataas ang value. Kung nabili mo ito ng P5 milyon, baka P15 milyon na ang halaga nito makalipas ang 20 taon. Sa kabila nito, marami pa rin ang bobo sa math o sabihin na nating walang pakialam sa value ng kanilang pera.

Pero dahil sa serye ng lindol sa Mindanao, baka matauhan na ang ibang kababayan natin sa pagbili ng condo unit.