Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Wish ni Poe sa kababaihan

0 356

Bilib ang maraming world leaders kay US President Joe Biden dahil binigyang-halaga niya ang mga kababaihan sa kanyang gabinete. Bukod kay Vice-President Kamala Harris na siyang unang babae at woman of color na naging bise-presidente sa Amerika, 12 babae ang binitbit ni Biden sa kanyang gabinete.

Sa Pilipinas, sa kabuuang bilang na 23 departamento sa gobyeno, dalawang babae lamang ang Cabinet secretary at ito ay ang 80-anyos na si Education Secretary Leonor Briones at ang 49-anyos na si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Kaya naman naniniwala si Senadora Grace Poe na higit pang maisusulong ang interes ng mga kababaihan kung magkaroon ng mas malakas na puwersa ang mga ito sa loob ng kasalukuyang pamahalaan kabilang na sa Kamara at Senado.

Isa si Senadora Poe sa pitong babaeng miyembro ng Senado at masasabi nating hindi sumasabay sa agos dahil may sariling paninindigan. Hindi naman sa nilalait natin ang mga kalalakihang senador, pero kung minsan, si Senadora Poe ang nakikita nating matapang na pumupuna sa mga pagkakamali ng administrasyon.

“Suportado naman ng mga kalalakihang senador ang mga bills na isinusulong namin dito sa Senado, pero sa tingin ko mas maganda kung mismong ang bilang namin ay madaragdagan lalo na sa darating na Kongreso,”wish ni Poe.

Sa Kamara de Representantes naman, umaabot sa 85 ang babaeng mambabatas mula sa kabuuang bilang na 304 kongresista. Bagama’t marami sa kanila ang nagsusulong sa karapatan ng kababaihan, mabibilang naman sa daliri ang may “balls” ika nga.

Ayon pa kay Poe, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga babae sa lipunan at higit na maisasakatuparan ito kung sila mismo ay magkakaroon ng pagkakataong makapagsilbi sa sektor na kanilang kinaaniban.

Ang tagumpay, aniya, ng mga kababaihan ay nakasalig din sa paglahok nito sa mga makabuluhang usapin sa lipunan na magbibigay sa kanila ng politikang kamalayan at maging armas sa pagsusulong para sa ikabubuti ng kanilang hanay.

Sa Amerika, malaki ang naging papel ng mga kababaihan para maluklok ang kauna-unahan nilang bise-presidente. Actually, nagkaroon sana sila ng unang babaeng presidente noong 2016 kung hindi lang nagoyo ang mga amerikano sa pinakalat na fake news ng kampo ni Donald Trump.

Nagkaroon naman ng dalawang babaeng presidente ang Pilipinas. Una ay sa pamamagitan ng makasaysayang 1986 EDSA People Power Revolution at ang pangalawa ay nabahiran naman ng Hello Garci scandal ang pagkakaluklok.

Malay nyo, baka magkaroon muli ng babaeng presidente ang Pilipinas sa 2022 na tunay na binoto ng sambayanang Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.