Abante Tonite Interactive

Women’s volleyball kaya bang makaginto sa SEAG?

181

Nakausap ko nitong isang araw si coach Gary Puno, isang magaling na volleyball analyst na nakakasama rin ni coach Fabio Menta ng Italy, na nag-oorganiza ng isang FIVB-accredited international volleyball aca­demy.

Tinanong ko siya kung ano ang pag-asa natin sa 30th Southeast Asian Games 2019 na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Sa women’s indoor volleyball, mukhang sigurado na tayo sa bronze medal kasi aapat lang na koponan ang lalahok sa torneo. Eto pa ang nakakatawa. Pinasya ng Philippine Southeast Asian Games Organi­zing Committee na may bronze medal na ang fourth placer.

Pero kung kakausapin mo ang mga manlalaro natin, natural na gusto nilang masungkit ang medalyang ginto. Taong 1993 pa sa Singapore SEA Games nanalo ang ‘Pinas ng ginto at ‘di na naulit. Nitong nakaraang Asean Volleyball Grand Prix sa Thailand at sa bansa, nasungkit natin ang pangatlong puwesto.

Mahihirapan tayo sa Thailand at Indonesia. Thailand ang ika-14 na koponan sa world rankings. Malaki rin ang improvement ng Indonesians at ng Vietnam.
Tinanong ko si coach, paano tayo mananalo sa torneo at ito ang kanyang magagandang sagot: Kahit mukhang kulang sa preparasyon, puwede pa ring makamit aniya ang ginto, kung ito’y magagawa natin.

Una, ayusin ang reception at depensa. ‘Di tayo makagawa ng magandang opensa kung mababa ang porsiyento ng ating reception.

Pangalawa, ‘wag tayo basta-basta umasa sa pinakamagaling na offensive player natin na si Alyssa Valdez. Dapat ‘di predictable ang ating opensa. Dapat lituhin natin ang mga blocker ng kalaban natin. Ayusin din ang middle line at umatake rin ang mga koponan pati sa back row.

Pangatlo, bawasan natin ang mga error ng ating mga server. Kung error tayo nang error, parang binigay na natin ang panalo sa kalaban na ‘di nila pinagpaguran.

At pang-apat, mula sa umpisa ng laro, maganda na ang pag-block sa mga spike ng kalaban.

Sa AGP, maganda ang nilaro nina Maddie Madayag at Mary Joy Baron, pero kailangang maayos din ang pagdepensa natin sa wings sa labas ng mga blocker natin. Importante rin ang mga wing player natin.

Kung magagawa natin ito, may pag-asang masungkit ang inaa­sam-asam nating kampeonato. Siguradong ma­ka­katulong din na dito gagawin ang SEAG, at makikita natin ang mga Pilipinong fan na susuporta sa ating mga manlalaro.
Ang sabi ni coach Gary, ‘di lang puso ang kailangan para manalo, kailangan din aniya ang utak.

So goodluck sa ating mga volleybelle!