Abante Tonite Interactive

Wood firm sa Misamis Occidental sabit sa P118M yosi tax evasion

199

Sinampahan ng kasong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang kompanyang nakabase sa Misamis Oriental dahil sa hindi umano nito pagbabayad ng P118 milyong buwis sa sigarilyo.

Kasama sa mga kinasuhang opisyal ng Timber Wood Development Corporation ay ang presidente nitong si Ting-Pi Huang, chief finance officer Chiu-Ling Su, corporate secretary Ma. Sharon L. Remo, at sina Christian M. Tong at Neniot Pialan.

Nasa Tagoloan, Misamis Oriental ang tanggapan ng Timber Wood na ang negosyo ay ang pag-export at pag-buy and sell ng kahoy o timber.

Nabatid na minanmanan ng BIR-Cagayan de Oro ang Timber Wood kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) at mga representative ng Phi­lip Morris Fortune Tobacco Corp. sa bisa ng isang mission order at natagpuan nila ang kahon-kahong sigarilyo at mga chewable tobacco product na may mga pekeng BIR excise stamp.

Ang iba pang sigarilyo ay walang tax stamp.

Ayon sa BIR, 798 na master case at 116 na ream ng sigarilyo at chewable tobacco product ang kanilang kinumpiska: 24 sa ream ng sigarilyo ay ginamitan ng pekeng BIR excise stamp at 92 na ream at 674 na master case ay walang BIR stamp.

Dahil sa dami ng kinumpiska, ipinadala ang mga ito sa DiGaMa Waste Management Services Facility sa Cagayan de Oro para sa storage at safekee­ping. (Eileen Mencias/Yves Briones)