Abante Tonite Interactive

Word war hanggang saan?

By
300

Hanggang saan kaya hahantong ang ‘word war’ sa pagitan nina dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino at Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano?

Napakahalaga ng isyu ng West Philippine Sea dahil nakataya dito ang seguridad ng Pilipinas.

Mabuti na lamang at mayroong mga ‘bata­yang mekanismo’ tulad ng Code of Conduct sa South China Sea na patuloy na tinatalakay sa mga regular ng pulong ng mga bansang kasapi ng ASEAN at mga ‘bilateral partner’, ang tensiyon sa bahagi ito ng Asya at Pasipiko ay naiwasan.

Kung wala ang mga ganitong pagpupulong, baka nasa ibang estado ngayon ang sitwasyon sa West Philippine Sea resulta ng pang-uurot ng mga ‘vested interest’ tulad ng Estados Unidos, Japan at Australia.

***

Huwag na sanang lumala pa ang hindi pagkakaunawaan nina dating Pangulong Aquino at Foreign Affairs Secretary Cayetano.

Maganda ang pagtanggap ng ‘world community’ sa ‘foreign policy’ ng administrasyong Duterte. Mataas ang interes sa Pilipinas ng mga bansa sa daigdig.

Ang pagkakaisa ng lahat sa pagsusulong ng interes ng bansa ay lalong higit na kaila­ngan sa ngayon. Dapat walang ‘administrasyon o opposition’ o anumang paksiyon sa pagsusulong ng kapakanan ng bansa. ‘Patriotism’ o pagmamahal sa bansa ang kaila­ngan sa ngayon. Ito na ang pagkakataon para makausad nang husto ng Pilipinas.

Marami ang gustong tumulong, hahayaan ba nating maudlot muli ang pagkakataong ito dahil lamang sa puna ng mga kritiko at mga naapektuhan ng pagbabago sa patakarang panglabas ng Pilipinas?

***

Sorry na lang sa mga kritiko, dahil ang nasa Foreign Affairs ay si Cayetano. Nakahanap sila ng katapat, sanay sa diskurso, mapa-kalye man o mapa-diplomatiko – kung may ganito mang termino.

Dahil sa usapin ng ‘transparency’, nagkahamunan ang magkabilang kampo. Ang mga sikreto na hindi dapat mabunyag, nanganga­nib na maisapubliko.

Ang pakikipagmabutihan ng Pilipinas sa China o sa alin mang bansa tulad sa Russia na karibal ng Estados Unidos ay hindi dapat masamain. Hindi dapat manatiling nakatali sa impluwensiya ni Uncle Sam ang ‘foreign policy’ ni Juan dela Cruz.

Tama lamang na sagutin ng nakaraang administrasyong Aquino ang labing isang puntos na itinanong ni Secretary Cayetano, pero dapat gawin ito sa pulong na binubuo ng mga ‘eksperto’. Huwag isama ang mga politiko, sa halip na malinawan ang isyu, baka lalo lamang lumabo.

Kailangan ng taong bayan na malinaw na sagot. Kung ang oposis­yon ay nag-iingay lang dahil malapit na ang 2019 elections, huwag namang gamitin ang WPS para sa pansari­ling intensiyon.

May mekanismo nang nakalatag para sa Code of Conduct ng mga stakeholder sa South China Sea. Ang tumututol lamang ay mga bansa na wala sa teritoryo, subalit kumikita naman ang kanilang negosyo. Maganda na ang itinatakbo ng pag-uusap sa Code of Conduct sa SCS.

***

Sa Nobyembre inaasahang darating sa bansa si Chinese President Xi Jingping. Ilang mahahalagang dokumento ang inaasahang lalagdaan ng Chinese leader at ni PDu30. Marahil kasama na dito ang ‘joint oil exploration agreement’ sa pagitan ng dalawang bansa.

May nag-uudyok kaya sa oposisyon para mag-ingay kaya pina­lulutang ang usapin ng ‘transparency’ huwag lamang matuloy ang pagbisitang muli sa Pilipinas ni Xi Jingping?
Nagtatanong lang po.